Nais ng aktres na si Angel Aquino na magkaroon ng mahigpit na batas ang Pilipinas laban sa mga may pakana at nagpapakalat ng mga malalaswang post na ginamitan ng artificial intelligence o AI.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News Saksi nitong Huwebes, sinabing natalakay sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontivero, ang usapin ng deepfake porn, kung saan ipinapatong ang mukha ng isang tao sa mahalay na video o larawan.

Kabilang sa mga bisita sa pagdinig si Angel, na sinabing naging biktima siya ng AI porn matapos inilagay ang kaniyang mukha sa isang porn video.

“It was dehumanizing. It was digital assault, one that leaves no bruises on the skin, but strips away one’s dignity in the most obscene manner imaginable,” saad ng aktres na mariing kinondena ang pagkalat ng mga deepfake video.

Umaasa si Angel na makakahabol ang Pilipinas sa paglikha ng batas para malabanan ang mga ilegal aktibidad gamit ang makabagong teknolohiya.

Bukod sa mga may pakuna ng AI porn, nais din ni Angel na papanagutin ang mga magsi-share at magre-repost ng mga malalaswang post na ginamitan ng AI.

“These deepfake photos and videos hurt and violate real people. I urge you all to take action. Punish the perpetrators, those who share and repost, the websites that host it, the platforms that turn a blind eye while it spreads,” saad niya.

Dumalo rin sa pagdinig ang content creator at negosyanteng si Queen Hera, na naging biktima rin umano ng deepfake pornography ang kaniyang anak.

Nakapanglulumo raw na ang inosenteng post ng anak niya ay magagamit ng mga masasamang tao sa dark web.

Samantala, umaasa ang Anti-Cyber Crime Group ng Philippine National Police na mabibigyan sila ng pondi para makakabili ng mga gamit na makatutulong sa kanila para mahanap ang mga masasamang content online gaya ng deepfake. – FRJ GMA Integrated News