Ipinasilip ng “Bubble Gang” ang mga karakter nina Betong Sumaya at Matt Lozano sa inaabangang parody ni “Ciala Dismaya” sa kanilang episode sa Linggo.

Sa social media post ng long-running Kapuso comedy show, ipinakita ang short clip na may suot na wig, glasses, at naka-suit si Betong, habang naka-white polo, glasses, at bigote si Matt.

May nakalagay na linya si Betong para kay Matt na, "Safe ka na. Safe na safe ka na. Joke lang ah, nagbibiro lang ako."

Ang skit ay katulad ng eksena ng Senate blue ribbon committee hearing noong Lunes sa kontrobersiyal na flood control projects, na sinabihan ni Senador Rodante Marcoleta si Senador Jinggoy Estrada na “safe ka na.”

Ito ay matapos tanungin ni Estrada ang kontratista na si Curlee Discaya, kung may senador na sangkot sa maanomalyang flood control projects, at sumagot ang kontratista na “wala.”

"Safe ka na," sabi ni Marcoleta kay Estrada, na nagpahayag naman na hindi niya nagustuhan ang naturang linya ng kaniyang kapuwa senador kaya ipinaalis niya ang sinabi nito sa record ng pagdinig.

Ayon naman kay Marcoleta, nagbibiro lang siya.

Sa parody na “Ciala Dismaya” na karakter ni Michael V, makikita ang pagkakahawig nito sa asawa ni Curlee Discaya na si Sarah Discaya.

Ayon sa abogado ng mga Discaya, hindi galit ang kaniyang kliyente sa naturang parody na ginawa ni Michael V.

Ayon sa "Bubble Gang," mayroong tatlong sketches ang Ciala Dismaya parody na mapapanood sa Linggo, September 14 sa ganap na 6:10 p.m. sa GMA Network.—FRJ GMA Integrated News