Kinansela ang face-to-face class sa isang paaralan sa San Carlos City, Negros Occidental hindi dahil sa masamang lagay ng panahon kung hindi dahil sa isang malaking ahas na pinangangambahang makamandag na nakita sa labas ng silid-aral.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na kuha sa cellphone na lumabas mula sa lungga ang ahas na tila nagmamasid.
Masukal ang bahagi ng labas ng paaralan kung saan nakita ang ahas, na tanaw mula sa silid-aralan.
Ayon sa guro na si Mica mascarinas, ang mga estudyante ang unang nakakita sa ahas, at aminado siya na nakakaramdam sila ng pag-aalala dahil sa nakitang ahas.
Inihayag naman ng pamunuan ng naturang elementary school na unang beses nilang nakita ang nasabing ahas. Agad nilang ipinaalam sa mga magulang ang insidente at sinuspinde ang klase.
Kaagad ding nagsagawa ng pag-inspeksyon ang City Disaster Risk Reduction and Management Office sa paaralan, at batay sa video, tila malapit umano ang hitsura ng ahas sa makamandag na Philippine king cobra.
Gayunman, ipinadala ng LGU ang video sa mga eksperto upang matukoy kung anong uri talaga ng ahas ang nakita sa labas ng paaralan.
Planong hulihin ang ahas at dadalhin sa kagubatan.
Prayoridad ng mga kinauukulan ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng paaralan.—FRJ GMA Integrated News
