Inamin ni Shuvee Etrata na nakaramdam siya dati ng insecurity dahil sa kaniyang maitim na balat, at nakaranas pa ng pambu-bully noong kaniyang kabataan.
Sa bagong podcast ni Kara David na “I-Listen with Kara David,” binalikan ang ilang larawan ni Shuvee noong bata pa siya.
“Pero noong bata ka, na-insecure ka ba sa skin color?” tanong ni Kara.
“Sobra! Sobra!” sagot ni Shuvee. “Lalo na ano ako eh, verbally binu-bully. ‘Negra negra!”
Dahil dito, may pagkakataong tila sinumpa pa raw ni Shuvee ang lugar na kaniyang kinalakihan.
“Negra, Tagiron. Hindi makinis, gano'n. Sobrang insecure ko, kulang na lang mag-jacket na nga ako, mag-socks pa,” anang dating Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate.
“I did a lot of things to cover up myself. I did wearing jackets, wearing ‘yung high knees na mga socks para lang matakpan,” dagdag ni Shuvee.
Naka-relate naman si Kara sa mga karanasan ng pambu-bully.
“Noong high school ako, lagi akong naka-jacket. For the simple reason na sobrang payat, ang haba raw kasi ng kamay ko para raw akong butiki, ang haba-aba. So, nagja-jacket ako. Kahit mainit summer, ang hirap ng buhay!” kuwento ni Kara.
Dagdag ni Shuvee, “Kasi we're doing it to please them. I was doing it to please them.”
“Ako, para lang hindi na ako lokohin. Kasi ayokong tinatawag ako parang manok ‘yung paa ko, 'yung legs ko, para akong butiki. Ayoko lang 'yung bullying. So, parang cover up,” dagdag ni Kara.
Grade 6 si Shuvee nang manalo siya sa isang contest pero nilagyan ng pampaputi ang kaniyang balat.
“‘Ah, para pala maging maganda kailangan ko na maging maputi.’ Until na-realize ko na hindi,” sabi niya.
Lumipat ang pamilya ni Shuvee sa Cebu nang magdalaga na rin siya, at napagtantong hindi kailangang maging maputi para masabing maganda siya.
“Nagdalaga na ako. Tapos, siyempre ‘pag transferee ka, parang ganda-gandahan ako. Magandang transferee kumbaga. So, na-develop 'yung confidence ko sa isla. Kasi normal ako doon eh. Maraming ‘tan’ doon, maraming morena doon. So, I was normal there. In fact, I was actually maganda doon,” kuwento niya.
Katunayan, nagkaroon pa siya ng maraming manliligaw.
“Maraming nanliligaw sa akin. Hinaharanahan ako sa quadrangle. Nahanap ko lang 'yung tamang place kung saan ako talaga, I felt like I belong,” patuloy niya.
Dahil dito, napamahal siya sa Cebu.
“Kaya ko mahal na mahal ang isla. Kasi sila nagparamdam sa akin na kamahal-mahal ako,” sabi ni Shuvee.—FRJ GMA Integrated News
Shuvee Etrata, insecure noon sa kaniyang maitim na balat at nakaranas ng pambu-bully
Setyembre 18, 2025 8:41pm GMT+08:00
