Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na hindi dumating si Orly Regala Guteza sa nakatakda sana niyang pakikipagpulong kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ngayong Biyernes. Si Guteza ang tinaguriang “surprise witness” na nagsabi sa pagdinig sa Senado na naghatid umano siya ng male-maletang pera para kina dating House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co.

Iprinisinta ni Senador Rodante Marcoleta si Guteza bilang testigo sa Blue Ribbon Committee hearing nitong Huwebes, at isinalang sa pagdinig para magbigay ng kaniyang sinumpaang salaysay.

Ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano, nakatakda sanang dumating si Guteza sa DOJ ng 9:00 am matapos itong humiling na mapasama sa Witness Protection Program ng kagawaran, dahil umano sa takot sa kaniyang seguridad at sa kaligtasan ng kaniyang pamilya

"The SOJ was expecting him this morning. He did not show up for his appointment with the Secretary," ani Clavano.

Sa pagdinig ng Senado, ilang beses inalok ng mga senador si Guteza (isang sundalo), ng seguridad mula sa kapulunan pero tinanggihan niya dahil kaya umano niyang protektahan ang sarili.

Ayon pa kay Clavano, tanging ang mga contractor na sina Sarah Discaya at Sally Santos, at dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara, ang dumating sa DOJ nitong Biyernes para masuri ang kanilang aplikasyon na maging testigo sa kasong isasampa tungkol sa umano’y katiwalian sa flood control funds.

Sinabi rin ng opisyal na nagsasagawa na rin ng pag-aaral ang DOJ tungkol sa impormasyon na itinanggi ng abogado na nakapirma sa affidavit ni Guteza na hindi siya ang nagnotaryo sa dokumento.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, ipinakilala ni Guteza ang sarili bilang dating security consultant ni Co. Ayon sa kaniya, personal siyang naghatid ng mga maleta ng pera sa mga tirahan nina Co at Romualdez. Ang bawat maleta umano ay naglalaman ng humigit-kumulang P48 milyon

Idinagdag pa ni Guteza na tatlong beses kada linggo siyang naghahatid ng pera para sa dalawang kongresista mula Disyembre 2024 hanggang sa kanyang pagbibitiw noong Agosto 2025.

Magkahiwalay na itinanggi nina Romualdez at Co ang alegasyon ni Guteza.

Ayon pa kay Romualdez, walang tao sa bahay niya na tinukoy ni Guteza dahil ginagawa ito nang mga panahong iyon at mga trabahador lang ang nandoon.

Viral din sa social media ang video na nakakalimutan ni Guteza sa binabasa niyang salaysay at ang utos sa kaniya ni Marcoleta na huwag magsalita nang wala sa kaniyang salaysay.

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo "Ping" Lacson, chairman ng Senate blue ribbon committee, na magsasagawa sila ng full record check at background investigation tungkol kay Guteza dahil sa mabigat ang mga binitiwan nitong alegasyon.

Idinagdag ng senador na isinalang ni Marcoleta sa pagdinig si Guteza "without the courtesy of notice even to the committee chairman."

Makatutulong din umano ang Manila Regional Trial Court para malaman ang “misteryo” sa likod ng affidavit ni Guteza na itinatanggi ng abogadong nakapirma na siya ang nagnotaryo.

“The Manila RTC can help unravel the mystery behind the now (in)famous Guteza affidavit since part of the executive judge’s function is to investigate violations relating to notarized documents within its jurisdiction. Was he just made to sign a prepared affidavit that he read during the committee hearing, and by whom?,” saad ni Lacson sa post sa X.-- mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News