May pambato na rin ang Pilipinas sa Kimbap ng South Korea at Onigiri ng Japan, na Adobo fried rice balls o binilog na adobong kanin. Ang recipe, nagsimula lamang bilang school project ng dalawang estudyante na patok na ngayon bilang negosyo at kumikita nang hanggang six digits kada buwan.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang Adobo fried rice balls ng entrepreneur students na sina Raven Dela Paz at Cody Aquino, mga may-ari ng “Rice'N'Roll.”
Naisip nina Dela Paz at Aquino ang fried rice balls bilang kanilang subject requirement.
“Sa food subject na ‘yon, we were tasked na gumawa kami ng food product na kakaiba or hindi pa nagagawa. Then, naisip namin noong time na ‘yun na bakit hindi tayo gumawa ng rice-based snack na Pinoy flavor,” ani Dela Paz.
Naisip nilang bilugin ang produkto, “Para ‘pag kinain siya, you get the fulfillment of eating a meal,” sabi pa ni Dela Paz.
Dahil binilog na, hindi na kailangang gamitan ng kutsara at tinidor ang Adobo fried rice balls, at puwede nang tikman sa isang subuan lamang.
Ayon kay Dela Paz, plano nila sa hinaharap na gumawa rin ng Sinigang, Kare-Kare, Afritada, at iba pang ulam na pang-Pinoy.
Hindi raw biro ang ginawang proseso nina Dela Paz at Aquino, na nagpaikot-ikot kung paano makukuha ang tamang recipe.
“Since wala pang naggagawa ng gano’ng bola. So, noong time na ‘yun, nahihirapan kami kung ano dapat unahin. Dapat ba i-fry muna 'yung chicken bago gawin adobo? Dapat ba i-steam? Kung anu-ano ang ginawa talaga namin, nag-experiment kami,” ani Dela Paz.
Hamon din ang mismong pagbibilog ng kanin dahil nadudurog ito. Sumagi rin sa isipan ng dalawang estudyante na sumuko na lang.
“When that was happening na to us, we were on the edge na of like, giving up na parang, let's just change the concept,’” kuwento ni Aquino.
“Sabi ko sa kaniya, ‘Tigil na natin ‘to, pagod na ako. Kasi seven hours kami na sa kitchen ginagawa ‘yun. Kasi the molding itself, sobrang matrabaho,” dagdag ni Dela Paz.
Ngunit hindi sumuko sina Dela Paz at Aquino sa kanilang proyekto, at pumasa sa kanilang subject. Ngayon, itinuloy na nila ito bilang negosyo.
Sumasali sila sa mga food bazaar at pop-up, at inaalok din nila online ang kanilang frozen rice balls na handa nang i-fry.
Sa presyong P99, matitikman ang kanilang combo na Adobo rice balls na may kasamang chicken poppers.
Ayon kay Aquino, kumikita ngayon ang kanilang negosyo ng lima hanggang anim na digits kada buwan.
“The moment we see people smile after they take a bite from the adobo rice ball, it gives us 'yung sigh of relief na thank you that we didn't give up on it.That we were able to give the love of adobo, the love of Filipino food to people out there,” sabi ni Aquino.
“Dapat maniwala ka sa sarili mo, believe in your product. Tapos everything will fall into its place,” sabi ni Dela Paz.
Panoorin sa “Pera Paraan” ang recipe nina Aquino at Dela Paz sa pagluluto ng Adobo rice balls. – FRJ GMA Integrated News
