May magandang balita ang komedyanteng si Ate Gay sa kaniyang followers kaugnay sa kaniyang laban sa sakit na cancer.

Sa kanilang Facebook post, ibinahagi ni Ate Gay na lumiit na ang bukol sa kaniyang leeg sa loob lang ng tatlong araw mula nang sumailalim siya sa radiation therapy.

“[Ang bilis] ng pagliit ng bukol in 3 days. 10cm naging 8.5. Maraming salamat po sa inyong lahat na nanalangin ng aking [agarang] paggaling. Patuloy lang po,” pagbahagi niya.

Sa isang episode ng “Kapuso Mo Jessica Soho,” ibinahagi ni Ate Gay kung papaano niya natuklasan na mayroon siyang stage 4 cancer.

Inihayag din niya na hiniling niyang alisin sana ang bukol sa kaniyang leeg pero sinabihan umano siya na mapanganib itong gawin dahil posibleng magdugo nang labis.

Matapos ang naturang episode ng “KMJS,” bumuhos ang tulong kay Ate Gay. May sumagot sa kaniyang pagpapagamot sa Asian Hospital and Medical Center, at mayroon ding nag-alok ng matitirhan niya malapit sa ospital habang sumasailalim siya sa radiation at chemo theraphy.

Ang mga tumutulong sa kaniya, tinatawag ni Ate Gay na “anghel.”

Patuloy din ang pasasalamat niya at paghingi ng panalangin mula sa kaniyang fans at mga tagasuporta. — FRJ GMA Integrated News