Muling mapapanood sa 2-part anniversary show ng “Bubble Gang” ang mga dating kasama sa naturang gag show, kabilang si Ogie Alcasid.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing tatlong dekada nang nagpapasaya ang longest-running gag show ng Kapuso Network.

Nitong Linggo, nagdaos ng anniversary show ang programa at present ang mga dating ka-Bubble gaya nina Ara Mina, Maureen Larazzabal, Alma Concepcion at Diana Zubiri.

Nandoon din sina Juancho Trivino, Valeen Montenegro, Ara San Agustin, Faye Lorenzo, at Rhian Ramos.

Hindi naiwasan ni Michael V o Bitoy na maging emosyonal nang makita ang mga dating kasamahan sa Bubble Gang.

“Nung nandidito na muntik na ‘kong bumigay. Na-miss ko talaga sila,” saad ni Bitoy.

Si Rhian, itinuturing isa sa pinakamasayang karanasan niya na maging bahagi ng Bubble Gang dahil pangarap daw niyang maging komedyante.

Dapat namang abangan sa anniversary show kung anong iconic character ang bibigyang-buhay ni Ogie, na magiging guest sa gag show.

Ilan sa mga naging karakter ni Ogie sa Bubble Gang ay sina Boy Pick-up at Angelina.

Magiging bisita rin sa show sina AiAi delas Alas, Kelvin Miranda, Esnyr, Jillian Ward, at si Vice Ganda, na nauna nang nagsabi na pangarap niyang mag-Bubble Gang.

Sinabi naman ni Bitoy na, “Nakakatuwa dahil pareho kami ng wish at parehong natupad dito sa Bubble Gang.”

Mapapanood ang "Bubble Gang" tuwing Linggo sa ganap na 6:10 p.m. sa GMA Network.– FRJ GMA Integrated News