Sa isang press conference kamakailan sa paglulunsad ng bago niyang album kasama si Abaddon, ibinahagi ni Gloc-9 ang proseso niya sa pagsusulat ng mga makabuluhang awitin, tulad ng mga may temang usapin sa lipunan.

Sa ulat ni Kristine Kang sa GMANetwork.com, inihayag na isa si Gloc-9 sa OPM singers na kilala sa mga awiting nagbibigay ng inspirasyon at nagmumulat ng kaisipan tungkol sa mga isyu sa bansa.

Katunayan, ipinarinig sa nagdaang kilos-protesta laban sa katiwalian ang awitin ni Gloc-9 na “Upuan.”

"Babalik po ulit tayo sa intension,” sabi ni Cloc-9 sa media sa presscon. “'Yung songs na iyon sinulat ko hindi dahil gusto ko magparinig. 'Yung intensyon ko to write those songs ay to say kung ano 'yung nararamdaman ko. Wala nang iba. Ganun lang kasimple."

Sa paglingon sa nakaraan, naniniwala si Gloc-9 na ang kalinisan ng intensyon sa likod ng kaniyang musika ang dahilan kung bakit malalim ang dating nito at patuloy na tinatangkilik.

"I think 'yung characteristic nung kanta na iyon dahil doon mas nagiging pure siya pagdating sa tenga ng ibang tao. Wala siyang bahid ng ibang intensyon. So I just want to say how I feel about things," paliwanag niya.

May personal na hugot at lalim din ang musika ni Cloc-9, na hango sa mga totoong karanasan.

"Nung time na isinulat ko 'yung songs na iyon, nag-aaral ako ng nursing (at) nagdu-duty ako sa public hospitals. First hand ko nakikita 'yung situation na kinakalooban ng mga kababayan natin. I think iyon 'yung pinaka-pure na intensyon na puwede mong makuha kung ikaw ay isang writer. I think 'yun din naghatid ng malinis at tsaka walang halong kahit ano sa puso rin ng ibang tao and I'm very, very proud of the songs that I written," paglalahad niya.

Ayon din sa OPM singer, bagama’t inaasahan ng marami na mananatili siya sa kaniyang tema ng musika, nilinaw niya na hindi naman lahat ng kanta ay kailangang tumugon sa inaasahan ng mga tao.

"Hindi dahil people expect you to say something, magsasalita ka. I think iyon medyo ibang intensyon na 'yon," paliwanag niya.

Samantala, patuloy na nag-e-eksperimento rin si Gloc-9 sa kaniyang sining sa pamamagitan ng kolaborasyon nila ni Abaddon sa album na Project A. Maaaring asahan ang isang bagong anyo ni Gloc-9 sa mas magaang na tema at bukas sa mga bagong estilo.

Ilan sa mga awitin ni Cloc-9 na tumalakay sa usapin ng lipunan ay ang "Upuan," "Lando" at "Magda," at ang "Walang Natira," na patungkol sa mga overseas Filipino worker. – FRJ GMA Integrated News