Nadama rin sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao ang lakas ng pagyanig ng Magnitude 7.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental nitong Biyernes. Mga fire truck sa Panabo, Davao del Norte, mistulang idinuduyan.

Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa Balitanghali, sinabing nadama ang lindol habang isinasagawa ang maritime inter-agency exercise sa Davao Fishport Complex sa Davao City.

Natigil ang exercise at agad nag-evacuate ang mga sumaksi, kasama na si Office of Civil Defense Region 11 Director Ednar Dayanghirang.

Hindi maiwasan ng mga residente na mag-iyakan dahil sa takot, at pinakalma naman sila ng emergency responders.

Batay sa inisyal na impormasyon mula sa OCD 11, nagkaroon ng mga pinsala sa bayan ng Manay sa Davao Oriental matapos ang lindol.

Mistulang idinuduyan naman ang mga fire truck at iba pang sasakyan sa isang fire station sa Panabo, Davao del Norte.

Sa video ng Bureau of Fire Protection Region XI, makikitang lumabas ang mga staff ng Panabo City Fire Station para makaiwas sa panganib.

Nangamba at lumabas naman ng kani-kanilang mga bahay ang mga residente ng isang subdivision matapos madama rin sa Lanang, Davao City ang pagyanig ng lupa.

Sa video ni Stanley Berou na nakalap ng GMA Regional TV One Mindanao, mapanonood na ilang sandaling nanatili sa labas ng kanilang mga bahay ang mga residente para sa kanilang kaligtasan.

Mapapansin ding umuga ang mga sasakyan habang nagaganap ang pagyanig.

Nagbagsakan naman ang mga gamit at oxygen tanks sa loob ng isang establisimyento sa bayan ng Lupon.

Sa video ni Marlon de Leon na nakalap ng GMA Regional TV One Mindanao, mapanonood na tumakbo palabas ang dalawang tao mula sa establisimyento habang nagaganap ang pagyanig.

Maraming oxygen tanks ang nagbagsakan at nagkagulo rin ang mga gamit sa establisimyento.

Sa isang kolehiyo sa Davao City, ginawang pang proteksiyon sa kanilang ulo ang mga upuang plastic nang magbagsakan ang ilang bahagi ng kisame nang yumanig habang nasa loob sila ng classroom.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita rin ang naging sitwasyon sa iba pang mga lugar. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News