Ipinagmamalaki ng isang mag-asawa na dating mga fastfood crew sa Mindanao ang negosyo nilang beauty products na gawa sa mga natural na sangkap. Ang negosyong sinimulan lamang nila sa puhunang P1,000, ngayon, umaabot na umano sa six digits ang kita kada buwan.

Sa nakarang episode ng “Pera Paraan,” itinampok sina Grace Manambit, owner ng negosyong “Ageless Beauty.”

Nahikayat si Grace na magtinda ng mga produktong pampaganda dahil sa katrabaho niyang maraming taghiyawat sa mukha. Ngunit bigla umanong nawala ang mga tighiyawat nito dahil sa ginamit na isang skin care brand..

Nagtrabaho si Grace noon bilang crew sa isang fast food restaurant para makapag-aral sa murang edad. Siya rin ang breadwinner noon ng pamilya.

“Napakahirap kasi nag-aaral ako ng 4 to 9 p.m. and then ‘yung duty ko is 6 a.m. to 4. Actually nale-late ako madalas sa school so lagi akong napagagalitan ng teacher. Minsan naman inaantok pa ako sa school,” sabi ni Grace.

Hanggang sa nakapagtapos siya ng kolehiyo at ipinagpatuloy ang pagiging crew. Doon niya nakilala ang kaniyang asawa na ngayong si Gerson. Pareho silang nag-resign sa trabaho at pinasok ang pag-resell ng beauty products.

Sa lakas ng kanilang negosyo, nagbukas pa sila ng ibang puwesto. Ngunit biglang nagsara ang kumpanya ng ibinibenta nilang sabon.

“Napuno kami ng utang, na dumating kami na umabot ng P11,000 per day ‘yung utang namin,” ani Grace.

Isang araw, nakahanap sila ng mauutangan sa Maynila para gumawa ng sariling produkto. Nag-aral si Grace ng cosmetology kasama na ang mga training ng FDA.

Ngayon, si Grace na mismo ang nagtitimpla-timpla ng kaniyang mga produkto. Ilan sa mga natural na sangkap ng kanilang beauty products ang kalamansi at aloe vera, na itinatanim nila sa kanilang farm.

Mula sa pag-iikot sa mga barangay noon para ibenta ang produkto, mayroon na sila ngayong dalawang daang distributor nationwide, pati na sa Canada at Hong Kong.

“Naging thankful ako kasi naranasan ko yun [hirap]. Kasi kung hindi ko ‘yun naranasan, hindi ako magiging ganito ngayon,” sabi ni Grace.-- FRJ GMA Integrated News