Isang bagong silang na sanggol na lalaki ang nasagip matapos na matagpuan sa loob ng isang trash bag na malapit sa isang ospital sa Buluan, Maguindanao del Sur nitong Martes, October 21, 2025.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing isang nagbabantay ng pasyente ang nakakita sa sanggol na buhay at nakakabit pa ang pusod.

Kaagad niyang dinala sa emergency room ng ospital ang sanggol na tumitimbang ng 1.9 kilos, at binigyan ng kaukulang atensyong medical.

“The baby boy was rescued immediately and nagawan ng paraan para malunasan yung bata. At the moment, ginagamot at binigyan na siya ng appropriate management and treatment ideal for newborn babies and exposed dito sa maruming environment kasi nga iniwan nga doon sa basurahan,” ayon kay BARMM Health Minister, Dr. Kadil Sinolinding, Jr.

Ayon sa pamunuan ng ospital, natuklasan kung sino ang ina ng sanggol na 16-anyos lang. Nauna umanong nagtungo sa pagamutan ang babae dahil nakararanas umano ng pananakit ng tiyan.

Pero nagpaalam umano ang babae sa mga nurse na pupunta lang sa banyo pero hindi na bumalik pa.

Hinala ng isang opisyal ng ospital, nanganak sa banyo ang babae at iniwan ang sanggol sa trash bag.

“Nagsabi yung mother, ‘puwede mag-CR muna ako?’ So pumasok siya sa CR, medyo 100 meters away from emergency since we are in the evacuation center, the women’s building ng Buluan. So pag-CR niya, nanganak siya sa CR. Hindi namin alam, nasa medical, na may nanganganak na sa CR. Pagkapanganak niya, nilagay niya sa basurahan yung baby. Umuwi siya ng bahay,” ayon kay Buluan District Hospital Chief of Professional Medical Staff, Dr. Noriza Mangansakan-Midtimbang.

Gayunman, bumalik kinalaunan sa ospital ang babae dahil nakararanas ito ng pagdurugo.

“Later, bumalik sa ospital because of bleeding. Hindi pa yata completed pa yung  delivery at yun naman ay ginagawa ng doctors ng paraan upang ma-save yung buhay ng nanay,” ayon kay Sinolinding.

Parehong binibigyan ng atensyong medikal ang mag-ina, at nagkakaloob din ng tulong ang lokal na pamahalaan para sa pangangailangan ng sanggol tulad ng gatas, diapers, at iba pa.

Dahil menor de edad ang babae, pinaalalahanan ng BARMM Ministry of Health ang mga magulang na laging subaybayan ang kanilang anak. Hindi rin umano alam ng mga magulang na buntis ang babae.

“The mother is allegedly single and hindi daw nila alam na pregnant ang kanilang anak. So, ‘yan ay isang malaking mensahe sa ating mga magulang na wag nating hayaan, wag nating pabayaan yung ating mga anak na to the point na hindi na natin alam kung ano ang nangyayari sa kanyang buhay,” ayon kay Sinolinding. – FRJ GMA Integrated News