Marami man ang natuwa sa nag-viral na post sa social media tungkol sa isang pusa na nakita sa tuktok ng Mt. Apo sa Mindanao, mayroon ding mga nabahala sa posibleng maging banta ito sa kalikasan, lalo na sa maliliit na hayop na nakatira sa naturang bundok.

Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kuha ng hiker na si Angkol Jun ang video na makikita ang pusa malapit sa campsite.

Ayon sa kaniya, bagaman hindi “friendly,” pero tila sanay na umano ang pusa sa mga umaakyat sa bundok at lumalapit ito kapag may makikitang pagkain.

“Kapag tinawag ko siya, hindi siya lumalapit. Pero parang alam niya na bigyan siya ng pagkain ng mga climber,” ani Angkol Jun.

Bagama’t may mga netizens na natuwa sa pusa sa bundok, may ilan din na nabahala, kabilang ang mga eksperto dahil sa posibleng hindi magandang mangyari sa pananatili ng pusa sa bundok.

Ayon kay Frances Mae Tenorio, isang mananaliksik, ang mga domestic cat na tulad ng pusa na namataan sa Mt. Apo ay kabilang umano sa mga pinaka-mapanganib na “invasive species” sa buong mundo.

“Ang mga pusa ay considered na super predators, meaning iba-ibang klaseng hayop ang puwede nilang kainin. Puwede nilang kainin both native and endemic wildlife na makikita doon sa lugar,” paliwanag niya.

Batay sa pag-aaral na ginawa ng grupo ni Tenorio sa galaw ng mga pusa na nasa paligid ng Mt. Makiling Forest Reserve, natuklasan nila na nakarating na sa malalayong parte ng gubat ang ilan sa mga ito, at hina-hunting ang mga native wildlife sa lugar gaya ng mga bubuli, paniki, bayawak, at mga daga.

Kung mapapabayaan ang mga pusa sa bundok, maaari daw itong magdulot ng pagkaubos o local extinction ng ilang uri ng hayop at halaman.

“May mga studies globally na sinasabing mayroon nang 63 extinctions ng wildlife dahil sa mga pusa. Dito sa Pilipinas, maaari rin tayong magkaroon ng local extinction,” saad niya.

Para kay Tenorio, mas makakabuti na alisin ang mga pusa na nasa protected areas.

Dagdag pa niya, hindi dapat hayaan ng mga pet owner na lumalabas ang kanilang mga alaga, ipakapon para hindi dumami ang populasyon at  pabakunahan. – FRJ GMA Integrated News