Naging palaisipan sa pamilyang nakatira sa isang bahay na pinasok ng isang lalaki na armado ng baril sa ikinilos ng alaga nilang aso na tila kakilala at nakipagharutan pa sa suspek sa Cordova, Cebu.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video footage na kuha mula sa loob ng bahay, na nakapasok umano ang salarin sa pamamagitan ng pagdaan sa beranda na nasa ikalawang palapag ng apartment building.

May inilabas ang lalaki na tila baril at pinasok ang isang kuwarto kung saan nandoon ang ginang na nakatira sa apartment. Tinutukan ng salarin ang ginang at sinabihan na kailangan niya ng pera.

Kasunod nito, makikita ang isang maliit na aso na bagaman tumahol umano, tila maamo sa salarin at nakikipagharutan pa.

Ang ginang naman, kinuha ang lalagyan ng alahas at pera, at saka nagtungo sa beranda.

Sumunod naman sa kaniya ang salarin na tila may isinenyas pa sa ginang.

Hindi na nakuhanan ng video ang mga pangyayari sa beranda, pero sinabi ni Tin na anak ng ginang, inihagis ng kaniyang ina ang lalagyan ng alahas at pera, at saka nagsisigaw.

Ayon kay Tin, mabuti na lang na hindi nag-panic ang kaniyang ina at kinontrol ang sitwasyon para hindi madamay ang mga kasama nilang bata na sa kabilang kuwarto.

Nakatakas ang kawatan at nakuha nito ang pera at alahas.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng kawatan na may takip ang mukha nang gawin ang krimen.

Ngunit hindi maiwasan ng pamilya na mapaisip sa ikinilos ng kanilang aso sa nangyari. Bagaman tumahol daw ang aso, mistulang nakipaglaro umano ito sa kawatan na para bang kakilala niya.

Sa video, makikita na tila masaya ang aso nang magtungo sa beranda ang ginang at ang kawatan.

Bago pangyayari, may nakita umanong lalaki na nakakupo sa labas ng apartment building kaya may kutob ang pamilya na pinagplanuhan ang pagnanakaw.

Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat ang pamilya na walang nasaktan sa insidente.

Nai-report na sa pulisya ang insidente at umaasa ang pamilya na mahuhuli ang kawatan.—FRJ GMA Integrated News