Inanunsyo ng Malacañang ngayong Linggo na walang pasok sa mga paaralan at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ilang rehiyon sa Nobyembre 10 (Lunes) at Nobyembre 11 (Martes) bilang pag-iingat sa epekto ng Super Typhoon Uwan.
Batay sa Memorandum Circular No. 106 na may petsang Nobyembre 9 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, suspendido angpasok sa trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa mga sumusunod na rehiyon sa Lunes, Nobyembre 10:
- National Capital Region
- Cordillera Administrative Region
- Region I
- Region II
- Region III
- Region IV-A
- Region IV-B
- Region V
- Region VIII
Samantala, suspendido naman ang klase sa mga paaralan sa lahat ng antas sa mula Nobyembre 10 (Lunes) hanggang Nobyembre 11 (Martes) sa mga sumusunod na 12 rehiyon:
- National Capital Region
- Cordillera Administrative Region
- Region I
- Region II
- Region III
- Region IV-A
- Region IV-B
- Region V
- Region VIII
- Region VI
- Region VII
- Negros Island Region
Ayon sa memorandum, kailangan namang manatiling bukas at operational ang mga ahensiyang responsable sa pangunahing serbisyo, kalusugan, paghahanda, at pagtugon sa sakuna.
“To further ensure continuity of essential government functions, all other government agencies in the aforementioned Regions may implement alternate work arrangements, as may be necessary, subject to applicable laws, rules and regulations,” dagdag nito.
Nilinaw din ng Malacañang na maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local Chief Executives ang localized na kanselasyon o suspensyon ng klase at trabaho sa iba pang rehiyon alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Ang suspensyon naman sa trabaho sa mga pribadong kumpanya at opisina ay nasa pagpapasya ng kanilang mga pinuno.
Lumakas at naging super typhoon si Uwan nitong Linggo ng umaga, ayon sa 8 a.m. bulletin ng PAGASA.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

