Maraming netizens ang nakapansin sa pagiging hawig ng boksingerong anak ni Manny Pacquiao na si Eman Bacosa-Pacquiao sa aktor na si Piolo Pascual. Kaya naman pumatok kamakailan sa social media ang meme na “Piolo Pacquiao.”
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” naganap ang paghahanap nina Piolo at Eman, na may nagsasabing kahawig din nina Dingdong Dantes at Marvin Agustin.
“Natutuwa po ako noong narinig ko po 'yun kasi hindi ko po 'yun naisip. Kumbaga, naka-focus lang ako sa fight tapos may sabi-sabi na, nakita ko sa comments, mga gano'n na Piolo Pacquiao daw po,” ayon sa binata.
Ayon kay Piolo, maging ang kaibigan niya ay napansin ang pagiging hawig nila ni Eman.
“'Yung feed, puro ikaw eh. May isa akong kaibigan, sabi niya, 'Tol, mukhang may papalit na sa'yo ah,'” natutuwang kuwento ng aktor.
Sabi naman ni Eman, “Siyempre, natutuwa po ako na narinig ko na kamukha ko daw po kayo, tapos parang hindi ko po kasi naisip 'yun.”
Sa kanilang pagkikita, sinubukan ni Piolo kung may ibubuga rin sa acting si Eman, habang nagbigay naman si Eman ng kaunting boxing training kay Piolo.
Nagpalitan din sila ng payo o mensahe sa isa’t isa.
“Kung passion mo naman 'yan [boxing], gusto mo talaga, all out dapat at talagang concentrate ka lang doon, pero huwag mong kalimutan ang pag-aaral mo,” ayon kay Piolo.
“Tuloy mo lang. You're already inspired by what your dad has achieved. Importante rin talaga na 'yung skill set mo, kumbaga, you never rest on your laurels, Galingan mo pa, okay 'yan. I think every defeat should mean something—should encourage you to strive for something better. Kasi hindi naman laging victory, hindi naman laging panalo, 'di ba? Ibigay mo lang 'yung puso at passion mo doon,” dagdag pa ng actor.
Sinabi naman ni Eman kay Piolo na pagbutihan pa ang pagiging aktor nito at “continue to serve God” dahil pareho silang Christian.
Sa naturang panayam ng “KMJS” kay Eman, ibinahagi rin ng binata ang panahon nang tanggapin na siya Manny bilang anak at ipagamit ang apelyidong Pacquiao. – FRJ GMA Integrated News
