Ikinuwento ni AJ Raval na nagsimula ang love story nila ni Aljur Abrenica matapos silang magkatrabaho sa pelikulang “Nerisa” noong 2021. Gayunpaman, nakatatanggap na umano siya ng mga bulaklak sa shooting bagaman hindi niya alam na galing pala sa aktor.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda,” sinabi ni AJ na magkapatid ang role nila noon ni Aljur sa pelikula.
Kuwento ni AJ, palagi siyang nakatatanggap ng mga bulaklak sa taping, ngunit hindi niya alam kung kanino ito nanggaling.
BASAHIN: AJ Raval sa akusasyong kabit siya: ‘Bakit ako ‘yung nagsa-suffer sa kasalanang ‘di ko naman ginawa?’
“Hindi po kami nag-uusap ni Aljur, pero nagtataka po ako… kapag po kasi nagshu-shooting, ang dala ko, box. ‘Bakit po laging may bulaklak sa loob?’ Araw-araw bulaklak. Hindi ko po alam saan galing.”
Ang akala pa niya, bigay ito ng fans.
“Eh siyempre, ‘pag po nasa province, ‘di ba may mga fan po nagbibigay ng food. Akala ko gano'n lang po,” lahad niya.
Noong huling araw ng kanilang proyekto, dito na nagpahaging si Aljur na siya ang nagbibigay ng mga bulaklak kay AJ.
“And then, noong last day po namin, kumatok po siya mismo sa room ko. Pagbukas ko po, si Aljur po, may dinala po siyang rose na pinitas lang po niya somewhere.”
Paglilinaw ni AJ, hindi pa agad nagdeklara ng ligaw si Aljur, at lumipas pa ang panahon bago ito pormal na manligaw sa kaniya.
“Hindi pa po. As in, bigay lang. Tapos, umalis. Then, matagal na panahon pa po.” saad ng aktres.
Dahil dito, hindi muna binigyan ni AJ ng kahulugan ang kilos sa kaniya ni Aljur.
“Hindi po kasi ako feelingera, assuming na, ‘Ah gusto ako nito.’ So, ipina-process ko pa po sa isip ko. ‘Gusto ba ako nito? Ano ba ‘yun? Anong trip nito?’” anang aktres.
Hanggang sa muli umanong magkita-kita ang mga magkakatrabaho sa pelikulang “Nerisa,” at doon na sinimulan ni Aljur na ligawan umano ng aktor ang kaniyang mga magulang.
“Then, nag-usap na po kami. After that, pinupuntahan na niya po 'yung tatay ko, 'yung nanay ko. Kinakausap na po niya,” ani AJ.
Kalaunan, bumibiyahe na si Aljur mula pa Batangas papunta kina AJ sa Pampanga.
Nang pormal nang manligaw si Aljur, hindi ito hinusgahan ni AJ.
“Wala, wala akong judgment,” saad ng aktres.
Pag-amin ni AJ, “Sobrang pogi ni Aljur. Maliit ang face. Actually, Tito Boy, magkamukha po kami sa personal.”
Ikinasal si Aljur kay Kylie Padilla noong 2018, ngunit naghiwalay noong 2021 nang magtaksil umano si Aljur kay Kylie.
Itinanggi naman ni AJ na siya ang third party sa kanilang relasyon.
Isinapubliko nina AJ at Aljur ang kanilang relasyon sa Valentine’s Day noong 2023. May lima nang anak ang aktres, kung saan tatlo ang mula kay Aljur. –FRJ GMA Integrated News

