Hindi napigilan ng Indonesian conservationist na mapahagulgol matapos nilang matagpuan sa gubat ang isang pambihirang bulaklak na 13 taon na niyang hinahanap.

Sa isang video na mapanonood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang pag-iyak ni Septian Andriki o “Deki,” matapos nilang matagpuan ang Rafflesia hasseltii, na “a plant seen more by tigers than people,” ayon sa University of Oxford.

Isa pa sa pinaka-rare na species ng Rafflesia ang Rafflesia hasseltii.

Hinanap ito ni Deki ng 13 taon at dumaan siya sa iba’t ibang klase ng peligro matagpuan lamang ang bulaklak.

“Hardly anyone has seen it. The buds of this flower take several months, up to nine months to mature. When the flower opens, it only stays, so the chances of having this encounter are so unlikely,” sabi ni Dr. Chris Thorogood, Associate Professor of Biology ng Oxford University.

Sumama si Deki sa team ng mga researcher na nagsasagawa ng pag-aaral tungkol sa mga Rafflesia.

Gumugol sila ng 23 oras sa Sijunjung, West Sumatra bago nila nakita ang Rafflesia hasseltii sa gubat kung saan naninirahan ang mga tigre at rhino.

Sa kabila ng panganib, naghintay sila hanggang gumabi para lamang makita ang pamumukadkad nito.

Isang parasitic flower ang Rafflesia na makikita sa Southeast Asia, at itinuturing world’s largest single flower.

Mahirap pag-aralan ang naturang bulaklak dahil madalas lamang itong makikita sa masusukal na gubat.

Hindi rin nagtatagal ang buhay nito.

Ang paghahanap sa Rafflesia hasseltii ay parte ng major regional research project na pag-aaralan ang full genetic relationships ng mga Rafflesia.

Sabay-sabay itong ginagawa ng mga researcher sa Indonesia, Malaysia at Pilipinas.

Target ng mga siyentista na makapaglabas ng rekomendasyon kaugnay ng conservation strategies na dapat gawin na batay sa genetic at ecological findings sa mga Rafflesia.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News