Isang buwaya na may habang 14 na talampakan at hinihinalang nasa likod ng pagkawala ng nasa 15 aso ang pinagtulungang hulihin ng mga residente sa Bataraza, Palawan.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nahuli ng mga residente sa Barangay Rio Tubu ang naturang buwaya nitong Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Samuel Pagadora, isa sa mga tumulong na hulihin ang buwaya, tinalian nila ang buwaya at hinatak hanggang makarating sa lupa.
Nilagyan nila ng tela sa mukha ang buwaya, at tinalian ang nguso nito.
Ang isang residente, makikita sa video na inupuan pa sa likod ang buwayang nahuli.
Nagtungo naman ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), kasama ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa Rio Tuba nang malaman nila ang pagkakahuli sa buwaya.
Nang masuri nila ang buwaya, nakita nila na marami itong sugat at sobrang na-stress.
"Kasama ang DENR, pinuntahan natin 'yung area to check and to rescue the crocodile natin dahil marami na itong nakitang sugat at mataas na 'yung stress level. Naalis natin 'yung buwaya roon at na-i-travel back papuntang Puerto Princesa City," ayon kay PCSD spokesperson John Vincent Fabello,
Nasa pangangalaga na umano ngayon ng Palawan Wildlife Rescue Center ang buwaya.
Ayon kay Fabella, mapanganib at mali ang paraan ng paghuli ng mga residente sa buwaya. Idinagdag niya na ang mga awtorisadog ahensiya lang ng pamahalaan ang may karapatan na kumuha o humuli sa mga buwaya.
“Under the Wildlife Act, hindi tayo basta-basta nanghuhuli ng buwaya, lalo na kung endangered species ito. Ang may karapatan lang na mag-extract ng buwaya from the wild ay 'yung mga agencies na merong expertise," paalala niya.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may nakitang gumagalang buwaya sa komunidad. Noong Oktubre, isang lalaki ang nakitang patay sa Sitio Marabahay sa Barangay Rio Tuba, matapos umanong atakihin ng buwaya habang natutulog sa kaniyang bangka.
"Marami na. Minsan maglabas ako diyan, may masalubong ako tig-dalawang piraso. Minsan kung magtawid 'yan sa ilog, kita namin kahit may araw," ayon kay Pagadora. —FRJ GMA Integrated News
