Matapos ang tatlong araw na walang humpay na paglalaro umano ng online games, naging marahas daw sa sarili at sa kaniyang pamilya ang isang 18-anyos na lalaki sa Negros Occidental. Kaya ang pamilya niya, napilitan na siyang itali at ikulong sa hawla.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng mga kaanak ng binatang itinago sa pangalang “Roy,” na nagwawala, nanununtok, nagsisigaw at nandudura ang binata.
Maging ang sarili, sinasaktan na rin umano ng binata. Kaya napilitan na ang kaniyang pamilya na itali siya at ikinulong sa tila hawla na gawa sa bakal.
Nagsimula raw magbago ang ugali ni Roy, na dating mabait na bata magmula nang malulong ito sa online gaming.
“Sabi niya, ‘Ma, puwede bang suportahan mo na lang ako, maglalaro ako ng online game? Kasi magaling ako dyan, Ma,’” ayon kay Elenie, ina ni Roy.
Nasa isip umano ng anak na kumita mula sa paglalaro ng online games. Ayon pa kay Elenie, sinabihan siya ng kaniyang ina na uuwi na siya mula sa pagtatrabaho sa Maynila kapag kumikita na siya at makababalik din siya sa pag-aaral.
Kaya naman niregaluhan ni Elenie ng bagong cellphone ang anak sa birthday nito. Mula noon, hindi na tumigil sa paglalaro ng mobile games si Roy.
Dito na rin napansin ng pamilya ang pagbabago sa ugali nito.
“Palagi na siyang magagalitin. Napansin namin na mabilis siyang mapikon. ‘Yung isa nga naming kaibigan, sinabihan siya na wala siyang galaw sa laro, bigla siyang nagalit. Muntik na silang magsuntukan. Inawat lang namin,” ayon kay John Mark na kaibigan ni Roy.
Lalo pa raw lumala ang pag-uugali ni Roy nang maglaro ito nang walang tigil sa loob ng tatlong araw. Hindi rin umano kumain at natulog ang binata.
“‘Pag natatalo siya sa laro, pinupukpok niya 'yung ulo sa semento. Minsan ‘yung cellphone, sinusuntok niya eh,” saad ni Elenie. “Nagmumura na. Hindi na namin mapagsabihan kasi hindi na nakikinig. Parang wala na sa sarili.”
“Iba-iba na ‘yung pinagsasabi niya. Sabi niya, ‘Ma, ipapasyal kita sa New York ‘pag ma-monetize ito.’ Lagi ko sinasabi na itigil mo na ‘yan,” dagdag ng ginang.
Kahit ang mga kaanak, maging ang kaniyang lolo, nakatikim umano ng pananakit ni Roy.
“Natamaan ako sa tiyan. Hindi ako makahinga kaya umupo ako,” ayon kay Lolo Bayani na sinuntok at sinipa umano ni Roy.
“Nabigla kami. Doon na kami nagtaka nung nanakit na siya,” dagdag ni Lola Elsa.
Unang inakala ng pamilya na baka gumagamit ng ilegal na droga si Roy kaya ipina-drug test nila ito. Pero negatibo ang naging resulta.
Dinala rin nila ang binata sa simbahan para mapadasalan. Dito na napagtanto ng pamilya na ang labis na pagkababad ni Roy sa online gaming ang dahilan ng pagbabago ng ugali nito.
Nang malaman ni Elenie ang nangyari sa anak, umuwi na siya sa Negros mula sa Manila.
“Sobrang nagsisisi. Sabi ko, ‘Nak, ako ang dahilan kung bakit nangyari sa iyo ‘yan. Sana hindi ko na lang binilhan ng cellphone,’” saad niya.
“Nadudurog talaga ako. Kasi sayang bata pa siya at marami pa siyang pangarap. Masakit bilang isang nanay na nakikita yung anak ko na ganun. Sobrang sakit,” umiiyak pang sabi ni Elenie.
Para malaman kung ano ang nangyari kay Roy, sinamahan siya ng “KMJS” team na maipasuri sa psychiatrist. Dito na-diagnosed siya ng Schizophreniform Disorder, isang mental health condition na nagdudulot ng hallucinations at delusions.
Pero may kinalaman din kaya ang labis niyang paglalaro ng online games sa naging kondisyon ng kaniyang pag-iisip? Alamin ang kasagutan sa buong report ng “KMJS” sa video. Panoorin. –FRJ GMA Integrated News
