Inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang pagbibigay ng hanggang limang araw na Wellness Leave (WL) para sa mga kuwalipikadong opisyal at empleyado ng gobyerno bilang suporta sa Mental Health Act.
Sa isang pahayag, sinabi ni CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap na “proactive response to the realities" ang wellness leave kaugnay sa kinahaharap ngayon ng mga manggagawa sa gobyerno.
"By giving employees the space to rest, recover, and care for themselves, we reinforce a public service environment that is compassionate, resilient, and more responsive to the needs of the Filipino people,” ayon kay Barua-Yap.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2501292, binanggit ng komisyon ang mga probisyon ng Joint Administrative Order No. 2023-000 na inisyu kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Health (DOH), na tumukoy sa mental health bilang "priority area for workplace health-promotion interventions."
Sinusuportahan ang bagong patakaran ang mga natuklasan sa 2025 Global Workplace Report, na nagpakita na pangalawa ang mga manggagawang Pilipino sa may mataas na antas ng stress sa Timog-Silangang Asya, dulot ng hindi malusog na pamumuhay at mabibigat na trabaho.
.Maaaring gamitin ang WL nang hanggang tatlong magkakasunod na araw sa bawat pagkakataon, o sa magkakahiwalay na araw. Pero hindi ito naiipon, hindi convertible sa pera, at mapapaso kung hindi magamit sa loob ng calendar year.
Maaaring gamitin ng mga empleyado ang leave para sa pangangalaga sa mental health, mga aktibidad para sa pisikal na kalusugan, o simpleng pagpapahinga mula sa trabaho.
Ang aplikasyon para sa WL ay kailangang irekomenda ng immediate supervisor at isumite sa hepe ng opisina para sa pag-apruba.
Ang proseso sa pag-file ng WL ay kapareho ng mga panuntunan na ginagamit para sa vacation leave, sick leave, at iba pang leave privileges sa loob ng ahensya, ayon sa CSC.
Dapat isumite ang aplikasyon sa leave na hindi bababa sa limang araw bago ang nakatakdang petsa ng paggamit. Para sa mga agarang kaso o emergency, dapat gawin kaagad ang pag-file pagbalik sa trabaho.
Ayon pa sa CSC, magkakabisa ang bagong patakaran sa pagbibigay ng WL sa loob ng 15 araw matapos itong mailathala sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon, na may kasunod na abiso upang ianunsyo sa official publication at effectivity date. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News
