Viral sa social media ang isang babae na iniligtas at hindi iniwan ang dalawa niyang alagang aso mula sa nasusunog na gusali sa Mandaue, Cebu.
Nangyari ang insidente sa isang gusali na may tatlong palapag ngayong Miyerkoles sa Sto. Niño, Brgy. Guizo, Mandaue City.
Sa video na uploaded ni Ivy Baya na naka-post sa Facebook page ng GMA Public Affairs, makikita na nilalamon na ng apoy at may makapal na usok na lumalabas mula sa gusali.
Mula sa ikatlong palapag, magkasunod na inihulog ng babae ang dalawang aso na sinalo naman ng mga tao sa ibaba.
Nang mailigtas na ang dalawang aso, saka lang pilit na inabot ng babae gamit ang kaniyang mga paa ang hagdan upang makababa siya.
Naging makapigil hininga din ang eksena dahil muntik pa siyang mahulog dahil kapos ang haba ng hagdan kaya kinailangan niyang lumambitin muna.
Sa huli, ligtas din na nakababa ang babae na inalalayan ng bumbero.
Sa post ng Animal Kingdom Foundation sa Facebook, inihayag nila ang labis na paghanga sa fur mom na hindi iniwan ang kaniyang mga alaga sa kabila ng matinding panganib.
“She chose love over fear. When the fire broke out, she refused to leave her dogs behind — proving that family isn’t just who we live with, but who we fight for,” saad nito sa caption ng mga larawan ng insidente.
“Kudos to this pet owner!,” dagdag pa ng animal rights group.
– FRJ GMA Integrated News
