Nagimbal ang mga residente sa isang barangay sa Mandurriao, Iloilo City noong nakaraang linggo nang makita nila ang isang lalaki na nakatumba sa gilid ng daan at may nakapalupot na malaking sawa sa kaniyang leeg.

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, kinilala ang biktima na si Julius Perez, residente rin sa lugar at nakainom umano nang mangyari ang trahediya sa gilid ng isang dike noong nakaraang linggo.

Ang residente na si Nora ang unang nakapansin kay Julius na nakahiga na at nakapalupot pa sa kaniyang leeg ang sawa na tinatayang 3.5 meters ang haba.

Ayon kay Nora, hindi nila matulungan agad ang biktima dahil nanunuklaw ang sawa tuwing lalapitan nila.

Kuwento ng punong barangay na si Jean Pojol, isang residente ang nagawang mapatay ang sawa at doon lamang nalapitan ang biktima pero wala na siyang buhay.

Nang suriin ng mga awtoridad ang bangkay ni Julius, nakita na mayroon din siyang mga kagat s bahagi ng binti at tuhod. Ang pagkakapalupot ng sawa sa kaniyang leeg ang kaniyang ikinasawi.

Inihayag ni Joan, kapatid ni Julius, na may mga hinala na posibleng aksidenteng naapakan ng biktima ang sawa nang umahon mula sa dike kaya kinagat siya.

“Sabi-sabi dito na baka na-timingan niya na umahon yung ahas na galing sa dike tapos naapakan niya, kinagat yung paa niya. Parang ginantihan niya, pinuluputan siya sa leeg,” ani Joan.

Pero nang suriin ng barangay ang CCTV camera sa lugar, nakita ang pagdaan ni Julius na naglalakad sa isang bahay dakong 4:00 am. At pagkaraan pa ng ilang saglit, muli siyang bumalik na may bitbit nang sawa.

Kaya paniwala nila, hindi aksidente ang naging engkuwentro ni Julius sa sawa.

“Bitbit niya yung ahas sa katawan niya mismo parang siya talaga yung kumuha nung ahas at saka dinala doon,” ayon sa kapitana.

Maaari umanong nakita ni Julius ang ahas sa dike at kaniyang kinuha.

Pero ano nga ba ang dapat gawin ng isang tao kung sakaling malagay sa panganib kapag napaluputan ng ahas? Alamin ang payo ng eksperto sa video na ito ng “KMJS.” Panoorin. – FRJ GMA Integrated News