Hindi naging maganda ang karanasan ng isang turistang Hapon na unang pagkakataon na bumisita sa Kalibo, Aklan para manood ng Ati-Atihan Festival matapos siyang mabiktima ng “salisi gang” at makuha ang kaniyang wallet. Ang mga kawatan, ginamit pa ang kaniyang credit card at nakapagtransaksyon na aabot ang halaga sa P300,000.00.
Sa ulat ni Darwin Tapayan ng Super Radyo Kalibo sa Super Radyo DZBB ngayong Martes, sinabing mula sa Osaka, Japan ang turistang biktima, at first time na bumisita sa Kalibo para masaksihan ang sikat na Ati-atihan festival.
Batay sa salaysay ng biktima, abala siya sa pagkuha ng video sa festival area, nang may isang babae ang biglang tumabig sa kaniyang sling bag. Hindi niya namalayan na nadukot na pala ang kaniyang wallet.
Turistang Hapon, nabiktima ng "Salisi Gang" sa kasagsagan ng Ati-Atihan Festival; ?340,000 na halaga ng cash at credit, natangay. | via Darwin Tapayan, Super Radyo Kalibo pic.twitter.com/CSgRHii7ZS
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 20, 2026
Nasa kaniyang wallet ang kaniyang driver's license, mga ID at mixed currencies na nagkakahalaga ng P40,000.00.
Ikinadismaya pa lalo ng biktima nang matuklasan niyang ginamit ng mga kawatan ang credit card niya at nakapagtransaksiyon ang mga suspek ng aabot sa P300,000.00.
Batay sa CCTV footage na nakuha ng mga awtoridad, nakikilala ang suspek na isang babae na hinihinalang miyembro umano ng Salisi Gang. May kasabwat umano ito na dalawang tao na nagsilbing harang para hindi mapansin ang ginawang pagnanakaw sa biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan sa insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

