Sa kulungan ng bagsak ng isang 21-anyos na Russian vlogger matapos siyang arestuhin ng mga awtoridad dahil sa viral post niya sa social media na nagbabanta na makakalat umano siya ng HIV (human immunodeficiency virus) habang nasa Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado, na inaresto si Nikita Chekhov sa loob ng isang condominium building sa Quezon City.
“These so-called rage-bait videos irresponsibly cause fear and panic among the public. Foreign nationals who come to the Philippines to spread alarm, disrespect our people, or abuse our hospitality are not welcome and will face deportation,” sabi ni Viado.
Ayon sa BI, nag-upload si Chekhov ng mga video na kinunan sa Bonifacio High Street sa Taguig, at inihayag ang kaniya umanong plano na magkalat ng HIV habang nasa bansa.
Para sa BI, nagdulot ng pagkabahala at takot sa mga tao at netizens ang naturang “rage-bait” ni Chekhov
“Chekhov has been placed at the BI’s detention facility pending deportation proceedings, similar to actions taken against other foreign nationals who committed undesirable acts while in the country,” dagdag ng opisyal.
Nakipag-ugnayan din ang BI sa Department of Health.
Lumitaw naman sa pagsusuri, ayon kay Remulla, na walang sakit ang dayuhan.
Ayon sa BI, mula sa Rostov Oblast, Russia si Chekhov. Galing siya sa Shanghai, China, at dumating sa Pilipinas bilang turista noong January 15.
Dagdag pa ng BI, walang kilalang kamag-anak ang dayuhan sa bansa.
Nangyari ang pagdakip kay Chekhov ilang araw makalipas na ipa-deport ang Russian vlogger din na si Vitaly Zdorovetskiy. (BASAHIN: Russian vlogger na si Vitaly matapos ipa-deport pabalik sa Russia: ‘I am finally free’)
Inaresto rin kamakailan ang Estonian YouTuber na si Siim Roosipuu, na idineklarang persona non grata sa Dumaguete City dahil sa pag-post ng bastos at hindi angkop na content na may kinalaman sa mga menor de edad.-- Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

