Nahuli-cam ang isang taxi na nag-counterflow sa naharangan ang isang sasakyan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Rafael, Iloilo.

Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, makikita ang sasakyan ng MDRRMO na mabagal ang takbo dahil may kasalubong na taxi na dahan-dahang umaatras.

Nakuhanan ang video sa Barangay Magsaysay Village, La Paz, Iloilo City noong January 21, 2026.

Ayon sa kumuha ng video, nagdulot ng matinding traffic ang ginawa ng taxi driver.

“Susunduin na nila ang mga warrior. Una yung mga props nila. So magbabantay talaga ang mga bus. So ang taxi, alam na niyang ganun ang sitwasyon, lumusot pa rin,” sabi ni Stephen Asistido Supresencia, na video uploader.

Nagsagawa na ng imbestigasyon ang kompanya ng taxi sa ginawa ng kanilang driver.

Ayon kay Atty. Joseph Vincent Go, general manager ng Light of Glory Taxi, ipinaliwanag umano ng driver na hindi tinukoy ang pangalan, na may sinusundan siyang tricycle at inakalang tuloy-tuloy ang biyahe.

Gayunman, hindi pa umano nabeberipika ang naturang paliwanag ng driver na mahigit 12 taon na sa kompanya.

“May pasahero siya that time and he was trying to get away from the traffic. Naniniwala kami na may kasalanan talaga siya kasi siyempre, nag-counterflow siya. Sa amin, naghihigpit na kami sa reckless because it does not only involve the property of the company but siyempre ang life ng public,” ani Go.

Maaari umanong masuspinde ang driver ng isa o dalawang linggo, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon. Sasailalim din siya sa muling pagsasanay tungkol sa safety sa pagmamaneho.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO) 6, maikokonsiderang reckless driving ang ginawa ng taxi driver.

Maglalabas din ng show cause order ang ahensiya laban sa driver.

“Malaki ang possibility na kung nagmamadali rin yung emergency vehicle, baka may nasaktan. So it is a reckless maneuver para sa kanya,” sabi ni Atty. Gaudioso Geduspan II, LTO 6 director.—FRJ GMA Integrated News