Binigyang-diin ng award-winning Kapuso broadcast journalist na si Jessica Soho ang kahalagahan ng mga kuwento na nagsisilbing daan sa mabuting pagbabago sa kaniyang talumpati sa 5th Southeast Asia Video Festival for Children sa Bangkok, Thailand.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ni Jessica na ang storytelling ay hindi lamang para magbigay-aliw, kung hindi puwede rin itong maging kasangkapan at tulay sa pagbabago at mas malalim na pag-unawa.
Ibinahagi ni Jessica ang ilang istoryang itinampok at tumatak sa award-winning GMA Public Affairs show na “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Isa ang kuwento ni Ranelyn, isang malnourished na bata mula sa Bantayan, Cebu na ang tanging kahilingan ay muling maisuot ang kaniyang paboritong bestida.
Matapos mapanood ang kaniyang kuwento, may mga tumulong kay Ranelyn hanggang sa naging malusog ang kaniyang katawan at nasuot na niya ang bestida.
Ikinuwento rin ni Jessica ang tungkol sa Australian filmmaker na si Jojo de Carteret at ang paghahanap niya sa kaniyang pamilya rito sa Pilipinas. Makaraan ang ilang dekada, muling nakapiling ni Jojo ang kaniyang biological mother.
Sinabi ni Jessica na sa loob ng 40 taon ng pagiging mamamahayag niya, naniniwala siya na mas marami pa rin ang mabubuting tao.
Nagsalita si Jessica sa event na dinaluhan ng mga educator, media practitioner, dignitaries at young storyteller.
“The best stories come from unexpected stories and people. Your story should be compelling and make people think, feel and act, if needed. Be good, do good. That will always be the most important lesson of all time,” sabi ni Jessica. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
