Inilahad ni Solenn Heussaff na dahil sa ilang hindi magagandang epekto ng gadgets, nagpasya sila ni Nico Bolzico na huwag munang bigyan sa ngayon ng cellphone o gadgets ang mga anak nila.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda,” tinanong ni Tito Boy si Solenn kung batid na ng kaniyang mga anak na sina Tili at Maelys na sikat ang kanilang pamilya.

“I don't think they get it yet. Minsan ngayon si Tili ‘pag naglalakad kami, everyone's like, ‘Hi Thylane!’ She'll be like, ‘Huh? Why is she looking at me?’ Sasabihin ko lang, ‘Oh it's our [endorsement] video, ganon. Then she'll get it,’” kuwento ni Solenn.

Ibinahagi Solenn kung paano niya minumulat si Tili tungkol sa paggawa ng mga commercial.

“Because of course when we're shooting certain of our commercials or our brands together… ‘We're just going to share to people that you enjoy drinking.’ So I explain to her what she's doing and then I say I'm going to post it. So she's aware,” sabi niya.

Gayunman, hindi raw pinagagamit ni Solenn ang mga anak ng gadgets sa ngayon, at bibigyan lamang nila ang mga ito ng gadgets kapag malalaki na.

“She (Tili) doesn't know Instagram. She doesn't have an iPad. She's six na. Hindi ako nagga-gadgets sa kanila. Wala. Never. Their first phone maybe at 18, 19. Sana,” sabi ni Solenn.

Biro pa niya, “Kung may pager, baka pager puwede muna. Pero iPad I don't want.”

Kuwento ni Solenn, naoobserbahan niya ang ilang pamilya na tila mas tutok na sa mga gadget ngayon kaysa ang makipag-usap o makipag-bonding.

“Nico owns a restaurant, so we're at the restaurant a lot kasi, and he's very hands-on, so I go with him. Ako nagda-dine lang. And then I see all the families having dinner together, but not ‘together.’ ‘Yung dad nasa phone, 'yung mom nasa phone, 'yung isang baby nasa iPad, 'yung mas maliit nanonood ng TV,” paliwanag niya.

“I get so frustrated because I'm like, this is so sad. This is what we've become,” pagpapatuloy niya.

Pinuna ni Solenn na dahil sa gadgets, mas mababa na ang attention span ng tao at naghahanap na lamang ng “fast, short-term dopamine.”

“And it's really horrible that these multi-million dollar companies, they really, that's what they're selling. They're trying to make us overstimulated. And if we don't get stimulated, then we get bored. And if we get bored, we want to do something else. And there's no attention span of people nowadays,” anang aktres.

Hinikayat ni Solenn ang paggamit ng teknolohiya at AI “the right way.”

Inihayag din ni Solenn na mas nais lang niya ang simpleng buhay.

“I sleep at 7 p.m. I wake up at 4 a.m. ‘Yung mga gano’n. I just want a simple life,” saad niya.—FRJ GMA Integrated News