Hindi napigilan ng isang pamilya na maging emosyonal dahil sa pagmamahal na ipinamalas sa kanila ng kanilang lola. Bago pa man kasi pumanaw ang lola, may inihabilin siyang mga sobre na may mga pangalan na ibibigay lang sa kanila kapag wala na siya. Ano nga ba ang nilalaman ng mga sobre? Alamin.

Sa GMA Integrated Newsfeed, itinampok ang kuwento ni Lola Corazon o Lola Zon, na ibinahagi ng apo niyang si Lovely Joy Reyes.

Ang mga sobre na may mga pangalan ang huling habilin ni Lola Zon, bago siya namayapa noong bisperas ng Bagong Taon.

Kuwento ni Lovely, Mayo noong nakaraang taon nang magpatulong si Lola Zon na iselyo at pagsama-samahin ang isang bungkos ng puting sobre.

Kagagaling lamang noon ni Lola Zon sa ospital, at malakas pa nang panahong iyon.

Si Lovely at ang kaniyang ina lamang ang nakakaaalam tungkol sa mga sobre na inihabilin ni lola.

“Sinabi niya lang ‘Tulungan ninyo ako,’ pero huwag daw ipaalam sa asawa niya, which is ‘yung si Lolo. Nu’ng time na ‘yun, napaisip na kami na sabi namin, ‘Baka naghahanda na si Lola,’” saad ni Lovely.

Gayunman, hindi nila nakita ang laman ng mga sobre nang kanila itong pagsama-samahin at itabi.

“Marami siyang hawak na sobre, selyado na lahat ‘yung mga sobre, which is sarado na ‘yung mga sobre. Mayroon na silang mga pangalan. Sabi niya ‘Itabi mo ‘yan. Kapag nawala ako, doon mo ibigay,’” sabi pa ni Lovely.

Pagsapit ng Disyembre 25, ibinalik sa ospital si Lola Zon matapos mamaga ang iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan. Labas-pasok siya sa ospital pero nakapagdiwang pa ng kaniyang kaarawan at ng Pasko sa kanilang bahay.

Disyembre 28 nang muling ibinalik sa ospital si lola dahil nahihirapan na siyang huminga kahit may oxygen na.

Matapos sabihin ng doktor na hindi na bumubuti ang lagay ni lola, nagpasiya ang pamilya na iuwi na siya noong Disyembre 31.

Bago sumapit ang Bagong Taon, pumanaw na si Lola Zon sa edad 79.

Matapos siyang libing, nagsama-sama ang pamilya para buksan ang iniwan nito mga sobre para sa kanila.

Ang laman ng mga sobre, tig-P10,000 para sa kaniyang asawa, sa lima niyang mga anak, at ilan pa nilang malalapit na kaanak.

“Pera niya itong mga ito. Imbes na… Kaya pala ‘yung mga gamot niya, ‘yung mga allowance na ibinigay ko, tinitipid niya. Nagtipid si Nanay,” sabi ng ina ni Lovely.

Para sa pamilyang naulila, hindi mapapantayan ng anumang halaga ang pagmamahal na inilakip ni Lola Zon sa sobre na iniwan niya para sa kanila. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News