Madalas na ginagawang panghilod ang mga “buhay na bato” na mas makinis kaysa ordinaryong bato at karaniwang pabilog o bilohaba ang hugis. Pero maaari din umanong gamitin ang mga bato na ito na pang-therapy dahil sa nakahihigop ito ng init, at maaaring makapagpagaling ng karamdaman.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang isang Filipino traditional wellness spa na Balay Royales, na gumagamit ng buhay na bato sa kanilang therapy at massage.

Nagkakahalaga ang buhay na bato therapy o stone healing therapy ng P1,200 sa loob ng isang oras at 30 minuto, na isa sa “most requested” ng kanilang mga costumer.

“Nagsimula ito ng pandemic. So, it was year 2020. Sa pamilya namin, meron naghihilot especially, kagaya ng mga sinasabi natin sa ating mga lola. So, ‘yun, ang mga hinahanap-hanap namin na gano'ng klaseng hilot na mga salin-salin na paghilot,” sabi ni Ricardo G. Catacutan Jr. quality assurance specialist ng Balay Royales.

Si Rex Zamora na isang dating seaman, naapektuhan ang galaw ng katawan nang ma-stroke sa gitna ng dagat.

“Nakaramdam ako ng pag-ihi. Pagbangon ko, nagsimula na ako mahilo, umikot na lahat, paligid ko. Tapos, ayun na, hindi ko na magalaw ‘yung paa ko, ‘yung katawan ko. Pero pinilit kong gumapang para maabot ‘yung telepono. Humingi ng rescue. Tinray ko rin binuksan ‘yung pinto para mapasok nila ako,” kuwento niya.

Dahil nasa gitna ng dagat, dumaan pa ang tatlong araw bago sila nakarating sa pinakamalapit na pier. Hindi agad naagapan ang karamdaman ni Rex, kaya siya na-comatose ng pitong araw.

Matapos magising, tila lantang-gulay na ang kaniyang katawan.

Sumailalim si Rex sa physical therapy upang maibalik ang galaw at balanse ng kaniyang katawan. Nakalalakad na siya noon, pero tila napag-iwanan ang kaliwang bahagi ng kaniyang katawan.

Hanggang sa natuklasan ni Rex ang tungkol sa buhay na bato therapy. At matapos lang ang unang session, ikinagulat niya ang resulta.

“Paggising ko, aba, nakakayuko na ako ah. Talagang nawala ‘yung sakit ko. Parang may ugat ako na naiipit na bigla na lang nawala,” sabi ni Rex na sinunod-sunod na ang buhay na bato therapy.

Paliwanag ng general physician na si Dr. Gerald Belandres, ang init ng buhay na bato na humagod sa katawan ang naging sikreto nito.

“So, ‘yung buhay na bato ‘yung tinatawag din na hot stone massage. So, usually kasi ‘pag mga ganito, parang mainit 'yung stone na ‘yun tapos ina-apply or kaya kinikiskis doon sa parte ng katawan natin. Usually, ‘pag may mga pains kasi ito, parang 'yung heat energy kasi nito ay nagpe-penetrate doon sa mismong loob ng muscle, 'yung kaniyang ginagawa, Ina-affect niya,” sabi ni Dr. Belandres.

“So, ang nangyari kasi dito nare-relax 'yung katawan natin, tapos 'yung pores natin nag-o-open. So, ‘pag mga ganito kasi mas maganda din 'yung circulation ng dugo natin. Mas maganda 'yung blood pressure natin,” dagdag pa niya.

Nilinaw din ni Belandres na epektibo ito kay Rex dahil na rin sa tulong ng iba pang therapy na kaniyang pinagdaanan.

“So, usually naman talaga, once kasi 'yung mga stroke patient, siyempre tini-treat pa rin talaga siya medically. Kailangan pa rin talaga kung akma ba talaga sa pasiyente. At kailangan pa rin talaga tingnan muna 'yung mga vital signs nito kung akma ba siya doon sa procedure na ‘yun on that time,” sabi ni Belandres.

Nagpaalala si Belandres na dapat kumonsulta muna sa doktor para masigurong ligtas ang pagpapahilot gamit ang buhay na bato.

“Kapag may mga ganito, dapat talaga tinitingnan mo pa rin talaga kung kaya ng isang pasyente na gumamit ng mga ganitong hot stone na ito,” payo niya. – FRJ GMA Integrated News