Nagsalita na ang isa sa mga volunteer firefighter na nakuhanan sa nag-viral na video na nakitang kumuha ng alak mula sa nasunog na supermarket sa Quezon City. Paliwanag niya, may go-signal mula sa tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kaniyang ginawa.

Ayon kay Vonne Aquino sa GMA News “Saksi” nitong Huwebes, inamin ng fire volunteer na si “Kwatro” na siya ang nakita sa video na may kinuhang bote ng alak.

“Nung lumapit na kami sa loob, kumakain na po kasi yung ibang mga opisyal na ‘yun. Kaya nung sinabi na ‘kumuha na kayo doon’ at ‘mag-ingat lang kayo’, ayun lang ang sabi sa amin,” patungkol niya sa tauhan ng BFP. 

“Hindi naman po kami basta papasok doon ng wala ring go-signal o sinabing ganoong scenario,” dagdag niya. 

Gayunman, hindi raw kilala ni “Kwatro” ang BFP personnel na nagbigay sa kaniya ng pahintulot na kumuha ng alak.

“Actually bago pa kami makakuha, marami na pong personnel na mas mataas sa amin doon ang nakakuha na, bago pa ang volunteer,” dagdag niya. 

Ininom na rin daw nila kaagad sa lugar ng sunog ang alak.

“Nagkatuwaan lang po kami nung BFP na ‘yun, kasi kumakain sila ng pistachio,” sabi ni “Kwatro.” 

Nagpasya si “Kwatro” na magsalita para linawin ang nangyari at nang hindi madamay ang ibang bumbero.

“Wala po talagang kinalaman yung ibang volunteers dito o hindi ko po sila kasama,” aniya.

Nakiusap naman ang Pandacan Fire and Rescue Volunteer na nilapitan ni “Kwatro” para makapagsalita, sa publiko na huwag lahatin ang mga legitimate fire volunteers sa nangyaring insidente. 

“Sana huwag nating lahatin…Even kaming mga totoong volunteers, marami po kami, hindi po namin alam kung yung mga taong sangkot sa loob ay volunteers po ba talaga,” sabi ni Pandacan Fire and Rescue Volunteer chief Larry Salas.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang BFP kaugnay ng insidente. Maaari umanong sampahan ng administrative at criminal charges ang bumbero na mapapatunayang sangkot sa looting. – FRJ GMA Integrated News