Dinakip umano ng mga awtoridad nitong Linggo si Police Senior Master Sergeant John Mollenido matapos na idawit ng isang suspek sa nangyaring pagpatay kaniyang asawa na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, at walong-taong-gulang nilang anak. Pero giit ng abogado ni John, sumuko ito at hindi inaresto.

Sa ulat ni Marisol Abdurrahman sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabi ng Quezon City Police District (QCPD), kasama ng unang naarestong tatlong suspek, kakasuhan din si John, na unang itinuring "person of interest" sa nangyaring pagpatay sa kaniyang mag-ina.

Nakatakda umanong isailalim sa inquest proceedings ang apat, ayon sa pulisya.

Bago arestuhin, tumanggi si John na magkomento matapos siyang idawit sa krimen ng car agent na unang nadakip ng mga pulis.

Ayon sa awtoridad, isa sa mga suspek ang boluntaryong nagdetalye sa nalalaman niya sa karumal-dumal na krimen matapos makonsensiya.

Nangyari umano ang krimen at pagbaril kay Diane sa bahay ng mag-asawang isinasangkot din sa pagpatay sa mag-ina noong gabi ng January 16.

Ayon sa suspek, ipinatawag siya sa bahay dakong 8:00 at naghintay sa gate. Nakita umano niya ang suspek na agent na pumasok sa bahay na may kasamang babae na hindi niya kilala.

Pagkaraan ng ilang oras, nakarinig niya ng malakas na tugtog sa loob ng bahay at nasundan ng tila putok ng baril. 

Nang tingnan, nakita umano niya ang hindi niya kilalang babae na binaril pala, habang ibinabalot naman ng mag-asawa sa plastik ang katawan ng anak nito at inilagay sa bodega.

Binalaan din umano siya na manahimik para hindi siya isunod.

"Sabi kong ganun, 'mahirap yung ginawa ninyo, may mga anak din ako,'" umiiyak niyang pahayag.

Nakita ang bangkay ni Diane noong January 24 sa Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo.

Ang anak niyang si John Ysmael, nakita naman sa calamansi farm pagkaraan ng limang araw sa Victoria, Tarlac. Ayon sa pulisya, asphyxia due to suffocation ang ikinamatay ng bata.

Nadakip ang tatlong suspek nitong Biyernes sa isang bahay sa Novaliches, Quezon City. Kabilang sa mga suspek ang isang dating pulis.

Nakita naman sa Pampanga ang sport utility vehicle (SUV) na hinihinalang ginamit sa pagtapon sa bangkay ng mag-ina.

Nauna nang sinabi ni John na nauunawaan niya ang pagkakasama sa kaniya bilang POI dahil dati siyang asawa ng biktima. Nangako siyang makikipagtulungan sa imbestigasyon.

Sa isang pahayag na naka-post sa Facebook page ng Rimandolo Office, sinabi nito na boluntaryong sumuko ang kanilang kliyente at hindi inaresto.

Idinagdag nila na walang arrest warrant na inilabas ang korte laban sa kanilang kliyenteng si John.— Mariel Celine Serquina/FRJ GMA Integrated News