Patay ang isang pulis na kasapi ng Highway Patrol Group (HPG-Region 7) nang mabangga siya ng isang pampasaherong bus na iniwasan naman ang biglang banggaan ng dalawang sasakyan na nasa kaniyang harapan sa national highway sa Naga City sa Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Police Executive Master Sergeant Antonio Sando, na hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na si Sando sa Carcar City nitong Linggo sakay ng motorsiklo matapos ang kaniyang duty.

Pagsapit sa Barangay Inoburan, nabangga siya ng bus na may iniwasang banggan at napunta sa linya ng biktima.

Ayon kay Police Lt. Col. Verniño Noserale, bago mabangga ng bus ang pulis, biglang nagbanggaan muna ang dalawang sasakyan na nasa unahan niya.

Kinabig ng driver ng bus ang manibela upang maiwasan ang banggaan ng dalawang sasakyan kaya napunta siya sa kabilang linya ang nasalpok ang biktima.

Isang motorista na nasa likod ng pulis ang bahagya ring nasaktan.

Labis naman ang paghingi ng paumanhin ng 43-anyos na bus driver sa nagluluksang pamilya ng pulis.

Mahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties.

Samantala, nagkaroon naman ng kasunduan ang mga driver ng dalawang sasakyan na naunang nagkabanggaan. Isang sasakyan naman ang hinahanap na umalis sa pinangyarihan ng insidente.—FRJ GMA Integrated News