Matapos maiulat na isang Pilipino ang nasawi sa Ukraine na nakipaglaban kasama ng tropa ng Russia, isa na namang Pinoy ang nadakip ng mga sundalo ng Ukraine. Ayon sa mga kaanak ng Pinoy, malaki na ang ibinagsak ng katawan nito.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, isang video ni Raymond Santos Gumangan, tubong Alcala, Pangasinan, ang ipinost sa isang Facebook page ng Ukrainian government project noong December 8.

Tinawag na mercenary si Gumangan, binabayaran para makipaglaban kasama ang mga sundalo ng Russia. Na-recuit umano ang Pinoy ng Russian na nag-aalok ng high-paying job sa kanilang bansa.

Ayon kay Gumangan, nang ma-recruit siya, sinabihan siya na sa logistics siya ilalagay. Pero pagdating sa Russia, ibang trabaho ang ibinigay sa kaniya.

Taong 2024 umano nang pumirma siya ng kontrata sa Ministry of Defense of the Russian Federation, at naging shooter ng 51st Parachute Regiment.

September 2025 nang mahuli si Gumangan nang kasama siyang sumalakay ng puwersa ng Russia sa Sumy region sa Ukraine.

Nakatanggap ng impormasyon mula sa Red Cross international committee ang pamilya ni Gumangan tungkol sa kaniyang kalagayan.

Ayon kay Ronie, malaki na ang ipinayat ng kaniyang kapatid mula nang umalis ng bansa.

Idinagdag ng pamilya, dating nagtrabaho si Gumangan sa isang security agency sa Pilipinas, at nag-apply ng trabaho sa Russia bilang logistics personnel.

Sinabi ng anak nito na si Raymark, dayuhan o hindi Pilipino ang kausap ng kaniyang ama sa pagkuha ng trabaho sa Russia.

Sa isang mensahe, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na wala si Gumangan sa kanilang database at maging sa listahan Overseas Workers Welfare Administration.

Nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Foreign Affairs para malaman kung papaano lumabas ng bansa si Gumangan, at kung paano siya matutulungan na makauwi ng Pilipinas.

Noong nakaraang linggo, iniulat ng military intelligence ng Ukraine na isang Filipino mercenary para sa Russia ang nasawi matapos masugatan at iwan hanggang sa mamatay.

Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ni Russian Foreign Ministry spokeswoman Maria Zakharova na nagre-recuit umano ang US ng mga Pinoy para makipaglaban kasama ng Ukrainian Armed Forces.

Itinanggi naman ng Ukraine ang naturang pahayag ng opisyal ng Russia.—FRJ GMA Integrated News