Sankaterbang isdang tamban o “tuloy” ang napadpad sa pampang sa Barangay Taguilon sa Dapitan City, Zamboanga del Norte nitong Martes ng gabi na kasabay ng lunar eclipse o "blood moon." 

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, makikita ang ilang residente na walang tigil sa pagsalok upang makuha ng napakaraming isda.

Ayon sa residenteng si Geng Marla Bantilan, na nag-upload ng video online, napakasaya nila sa natanggap na biyaya na bihira umanong mangyari.

Sinabi pa ni Bantilan na ibinahagi nila sa iba nilang kababayan na huling dumating ang mga nahuling isda.

“Nakalibre kami ng ulam dahil mahal na ang isda ngayon,” dagdag niya.

Ayon kay Bantilan, nagkaroon na rin ang katulad na insidente sa kanilang lugar dalawang taon na ang nakararaan.

Ipinaliwanag naman ng State weather bureau na PAGASA, na walang koneksiyon ang blood moon sa pagdagsa ng mga isda sa pampang.

Ayon kay Engr. Jaymar Artigas, Chief Meteorological Officer ng PAGASA-DOST 12, isolated case ang nangyari sa naturang lugar dahil likas naman daw na maraming isda roon.

Idinagdag niya na hindi gaanong maliwanag ang blood moon kumpara sa full moon.

“Kapag may full moon, may mga pagkakataon na may partikular na uri ng isda ang lumalabas kapag masyadong maliwanag,” sabi ni Artigas.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) tungkol sa pangyayari.—FRJ GMA Integrated News