Sa murang edad na apat, matinding pagsubok na sa buhay ang kinakaharap ni Ellie na mayroong Acute Myeloid Leukemia (AML). Sa isang pag-uusap nila ng kaniyang ina na si Mommy Maiden, tila handa na ang bata na harapin kung anuman ang mangyari sa kaniyang laban sa pambihira niyang karamdaman.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ni Maiden Fei Valmonte na masaya, masigla at bibong bata noon si Ellie. Ngunit isang araw may napansin silang mga pasa sa balat ng anak.

“Everyday ‘yan mayroon siyang bagong pasa. Maliliit pero matagal siyang mawala. Sabi ko sa sarili ko, ‘bata e naglalaro, normal na magkapasa, magkasugat.’ Pero yung sa kaniya, kapag pinipisil kong ganun, tapos tinatanong ko kung masakit sabi niya hindi raw. So yung red flag na yon,” kuwento ni Maiden.

Nasundan pa ito ng pamumutla ng balat ni Ellie lalo na sa palad at labi.

Nang ipasuri sa duktor, iron deficiency ang unang findings kay Ellie. Kaya binigyan ng vitamins ang bata pero wala umanong naging pagbabago sa kaniyang kalagayan.

Hanggang sa makitaan na rin si Ellie ng maliiit na bukol gaya sa ilalim ng mata na tumagal umano ng mahigit isang buwan bago nawala.

Nang muling ipa-checkup si Ellie, sinabihan sila na infection ang sanhi ng bukol dahil sa mga sirang ngipin ng bata. Ayon kay Maiden, pinainom umano ng antibiotics ang kaniyang anak.

Nasundan naman ito ng madalas na pagkakaroon ng ubo, sipon, at lagnat ni Ellie. Nakaramdam na rin ang bata ng pananakit ng ulo, tiyan at tuhod kaya hindi na siya makapaglakad nang matagal.

Sa follow-up checkup, nakitang mababa ang hemoglobin ni Ellie at Ini-refer na sila sa mas malaking ospital para masuring mabuti ang bata.

Nang isailalim sa mga test si Ellie, doon na nakitang mayroong Acute Myeloid Leukemia (AML) ang anak, ayon kay Maiden.

Base sa National Cancer Institute sa Amerika, ang AML ay cancer sa dugo at bone marrow. Sa malusog na pangangatawan ng tao, ang bone marrow ang lumilikha ng blood stem cells o immature cells na nagiging mature blood cells.

Sa pasyenteng may AML, tumataas ang bilang ng abnormal na immature white blood cells at hindi nagma-mature nang maayos ang mga ito at nagiging leukemia cells. Habang dumadami ang leukemia cells, nawawalan ng espasyo para sa malusot na platelets, red blood cells at iba pang white cells.

Hindi umano pangkaraniwan ang AML sa mga bata at nasa pito sa bawat isang milyon bata ang tinatamaan nito kada taon.

Ayon sa Canadian Cancer Society, nasa 64 percent ang 5-year observed survival rate ng mga batang may AML, o mahigit kalahati ng mga batang pasyente ang inaasahang mabubuhay sa loob ng limang taon.

At sa isang pag-uusap ng mag-ina, nagsabi si Ellie sa kaniyang nanay na, "Pupunta na ako kay Papa Jesus, magba-bye na ako sa'yo."

Muling tinanong ni Maiden si Ellie kung pupunta na siya kay Papa Jesus, at sumagot ang bata ng, “Opo.”

Sa kabila nito, nilinaw ni Maiden na hindi niya isinusuko ang buhay ng kaniyang anak.

“Walang magulang ang gustong isuko ang anak. Kung alam niyo lang kung ano yung mga ginagawa ko para madugtungan yung buhay ng anak ako. Lahat ng puwede kong gawin, ginagawa ko,” saad niya.

Nang gabing tila nagpapaalam na si Ellie, nagpakatatag daw si Mommy Maiden kahit tila dinudurog na ang kaniyang puso.

Ayaw umano niyang ipakita na pinanghihinaan siya ng loob at ayaw niyang isipin ni Ellie na sumusuko na siya.

Sa ngayon, naka-confine si Ellie sa isang ospital sa Tuguegarao City. Bukod sa leukemia, nilalabanan din niya ngayon ang iba pang impeksyon tulad ng pneumonia, fungal UTI at impeksyon sa dugo.

Sa kabila ng lahat, hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa at patuloy silang nananalangin na may darating na isang himala para kay Ellie.

Para sa mga gustong tumulong, maaaring magpadala ng tulong kay: Elimar Ilumin (Daddy ni Ellie) Gcash: 09295864593 PayMaya: 09169648701 Landbank: 3707122004.

--FRJ GMA Integrated News