Hindi inakala ng isang babae na ang mga lumang kubyertos na gawa pala sa pilak ang makalulutas sa kaniyang problema sa pagkakalubog nila sa utang nang ipagamot ang kaniyang ina na pumanaw kinalaunan. Ang mga kubyertos, nagmistulang pamana sa kaniya ng ina na naging caregiver noon sa Greece.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang shop ng alahera at content creator na si Jenn Chua, na bumibili ng mga kubyertos at iba pang mga gamit sa kusina na mga gawa sa ginto o pilak.

Ang isang silver plate na ibinenta sa kanilang sho[, nagkakahalaga ng P110,000. Samantalang ang malaking plato at kutsara’t tinidor naman, nasa halagang P273,000. Ang aakalaing isang simpleng ice bucket naman, nagkakahalaga rin pala ng P273,000.

Ang isa namang pitsel, umabot ang halaga sa P133,000, samantalang paldo sa presyong P467,000 ang tray na may kasamang mga kubyertos.

Si “Joyce,” hindi niya tunay na pangalan, na isang Hotel and Restaurant Management graduate na taga-Sorsogon, nakita sa kanilang kusina ang pinakatago-tago nilang 28 na pares ng kutsara’t tinidor at 28 piraso ng bread knife.

Iniregalo ito sa kaniya ng kaniyang ina na naging caregiver sa Greece noong dekada 90. Makapal, mabigat, hindi kinakalawang at may nakaukit na mga marka sa handle ang mga naturang kubyertos. Bihirang-bihira umano nilang itong gamitin.

Taong 2019 nang ma-diagnosed ang ina ni Joyce na may ovarian cancer at namatay kalaunan. Dahil sa pagpapagamit, nabaon sila sa utang na umabot ng kalahating milyong piso.

Hindi nila alam kung paano pa nila mababayaran ang naiwang utang kaya nagbakasakali si Joyce na baka makatulong sa kanila ang mga lumng kubyertos na padala noon sa kaniya ng namayapang ina.

Mula sa Bicol, dinala ni Joyce sa Maynila ang mga kubyertos para ibenta nang mapanood niya sa social media ang ginagawang pagbili ni Chua sa mga pilak na bagay.

Napag-alaman na 2023 nang mag-umpisang mag-buy and sell si Chua ng lightweight gold at mga sirang alahas. Hanggang Disyembre ng nakaraang taon nang magbukas na sina Chua at kaniyang asawang si John, ng sarili nilang jewelry shop na bumibili rin ng mga gamit sa kusina na gawa sa silver.

Masinsin sa pagsusuri sina Chua sa mga ibinibentang pilak sa kanila, na dinadaan nila sa scratch test at acid test.

Ang peke o plated lamang, nagkukulay green kapag pinatakan ng acid. Pero ang tunay na pilak, nagkukulay puti at nalilinis kapag pinatakan.

May mga palatandaan din ang mga ito ng mga ”Wallace,” “Sterling,” “830,” “850,” “925.”

Sa kaso ni Joyce, may nakaukit na 800 sa handle ng kaniyang kutsara at tinidor, na palatandaang gawa ito sa 80% na silver.

Halagang P95 ang presyo kada gramo nito. At dahil umabot sa humigit-kumulang nasa limang kilo ang mga kutsara at tinidor ni Joyce, napresyuhan ito ng tumataginting na P364,800.

Ito na ang pambayad utang sa pagkakaospital ng namayapa nilang ina.

Sunod na naisip ni Joyce na ibenta ang 28 piraso ng bread knife na hinala niya ay gawa rin sa pilak.

Tunghayan sa video ng “KMJS” kung muli bang papaldo si Joyce sa pagbebenta niya ng mga bread knife na ipinamana rin ng kaniyang ina. Alamin din kung kailan tumataas ang halaga ng pilak. Panoorin ang buong kuwento. – FRJ GMA Integrated News