Bumagsak ang halaga ng Philippine peso sa antas na P60:$1 sa unang pagkakataon nitong Huwebes ng umaga. Sa harap ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa international market sa gitna pa rin ng sigalot sa Middle East.

Umabot ang halaga ng piso sa P60.1:$1 nitong Huwebes ng umaga, matapos ang pagbubukas ng sesyon sa P59.9:$1. Ito ang pinakamahinang pagpapakita ng piso matapos na umabot sa intraday low na P59.95:$1 noong Marso 16, 2026. Nagsara ito nitong Miyerkoles, Marso 18, sa P59.52:$1.

Kasabay ito ng pagtaas ng benchmark na presyo ng krudo ng Brent ng nasa 5% hanggang higit sa $108 matapos atakihin ng missiles nitong Miyerkoles ang Pars gas field ng Iran.

Kalaunan, naglabas na ang Iran ng listahan ng mga oil at gas target sa rehiyon na sakop ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Qatar. Ayon sa Iran, “direct and legitimate targets” ang mga ito at dapat na agad na lisanin.

Matagal nang nagbabala ang mga lokal na ekonomista na maaaring humantong sa mas mataas na inflation at magpabagal sa paglago ng ekonomiya ang mas mataas na pandaigdigang presyo ng krudo.

Nauna nang nagbabala ang Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) na maaaring bumilis ang inflation hanggang mahigit 7% kung sakaling lumala at tumagal pa ang sigalot sa Gitnang Silangan.

Tinitingnan na ngayon ng gobyerno ang posibilidad na suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo, na ayon sa DepDev ay maaaring magbawas sa mga lokal na presyo kada litro ng P10 para sa gasolina, at P6 para sa diesel. -- Jon Viktor D. Cabuenas/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News