Inihayag ng ilang tsuper na masama ang kanilang loob dahil sa mistula lamang silang “pinaasa” sa inanunsyong fare hike na kinalaunan ay binawi.

Inihayag ito ng ilang tsuper na nakiisa sa transport strike nitong Huwebes sa Pasig, mula sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita.

Inihayag ng jeepney driver na si Marvin Maranan ang sama ng loob dahil sa kakulangan umano ng suporta mula sa gobyerno para sa mga kagaya niyang tsuper.

Maliban sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis, pinaasa lamang umano sila ng gobyerno sa aprubadong fair hike na ipatutupad sana nitong Huwebes.

Bumibiyahe si Marvin ng 4 a.m. hanggang 9 p.m., ngunit aabot na lang sa P200 ang nauuwi niyang kita para sa pamilya.

Dagdag niya, nagkukumahog na siya kung paano bubuhayin ang pamilya, lalo’t tatlo ang kaniyang anak at apat ang pamangkin niyang pinapag-aral.

Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board nitong Martes ang pag-apruba ng taas-pasahe sa mga jeep at bus matapos ang magkasunod na big-time oil price hike.

Ngunit kinabukasan ng Miyerkoles, pinasuspinde ito ni Pangulong Bongbong Marcos kasabay ng anunsyon sa mga hakbang na gagawin ng pamahalaan upang maibsan ang matinding epekto ng oil price hike sa mga tsuper at mga pasahero.

Ilang PUV drivers at miyembro ng grupong PISTON ang nagkikilos-protesta sa Plaza Bonifacio sa Pasig City nitong Huwebes.

“Sana naman, Pangulong BBM, imbes na suspindehin mo 'yung piso per hike ngayon, sana naman, dinagdagan mo na. Bakit mo pa sinuspinde? Napakasama po ng loob namin noon. Lalo niyo kaming ginipit para tuluyan po kaming mawala sa lansangan,” sabi ni Maranan.

“Pero hindi kami po susuko hangga’t may hanapbuhay, hangga’t nandiyan ang jeep namin, hangga’t tumatakbo ang jeep namin, lalabanan namin ang panuksong programa niyong ito,” dagdag niya.

Sinabi naman ni NCR Piston President Ely Villena, “Sa hanay namin sa transport na ito nga, nagigipit na kami, na wala na kami ang naiuwi sa aming pamilya. Hirap na hirap na po ang sektor ng transportasyon sa kasalukuyan. Kaya 'yung sinasabi na hindi napapanahon, baka po puwede pag-isipan nila, dahil talagang lahat apektado dito sa pagtaas ng presyo ng petrolyo na ito.”

“Ang hinihiling namin na kasagutan, ibasura na natin o alisin ang EVAT, Oil Deregulation Law na dapat sana pamahalaan na ang magpapalakad o magtataguyod nitong kung paano at magkano ang itinataas na presyo ng petrolyo,” dagdag ni Villena.

Sinabi pa ng mga nagpo-protestang tsuper na malaking sakripisyo ang ginagawa nila dahil hindi sila nakakapamasada at malaking kawalan para sa kanila na may binubuhay na mga pamilya.

Dumating naman ang hepe ng Pasig Police, pati ang mga staff o mga opisyl mula mismo sa Peace and Order Department ng Pasig LGU.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News