Patuloy ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa gitna ng patuloy na sigalot sa Gitnang Silangan. Anu-ano nga ba ang ilang paraan para makatipid sa konsumo ng gasoline o diesel? Alamin.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, ibinahagi ang ilang tips na mula sa Automobile Association Philippines upang makatipid:
1. Magpa-gas sa umaga: Mas solid umano ang fuel tuwing umaga at hindi puro fumes
2. Mag-full tank agad: Kung may budget, mas mainam ang full tank, kaysa utay-utay na magpakarga dahil hindi daw ito totoong tipid. Bukod dito, nag-e-evaporate ang fuel sa loob ng tangke, lalo kung may espasyo pa.
3. Iwasan ang biglaang arangkada at preno: Kapag nagmamaneho, mas mabuting “chill ride” muna. Maghinay-hinay sa silinyador at iwasan ang biglaang pag-arangkada at preno.
Bukod dito, mainam umano na i-set-up ang aircon ng sasakyan sa 22 hanggang 25 degrees lamang.
Importante ring laging nasa kondisyon ang sasakyan, gaya ng tama ang tire pressure at regular ang pagpapa-tune up at oil change.
Ang ilan namang driver, pinapatay muna ang makina ng sasakyan habang nag-aabang pa ng pasahero.
Maglalabas din ang LTFRB ng official guide kung paano makatipid sa fuel consumption, ayon sa ulat. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
