Ipinagmamalaki ng mga taga-Batangas ang kakaiba nilang kendi na komplikado man sa unang tingin, pero simple lang na ginagawa mula sa buko at sangkaka—ang pakumbo.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok si Marlon Bruto, na halos isang dekada nang gumagawa at nagtitinda ng pakumbo.

Una munang pakukuluan ang sangkaka, o matamis na bao mula sa katas ng tubo, para matunaw saka lalagyan ng niyog. Hihintaying matuyo ang katas para mabuo ang pakumbo.

Nangangailangan ng tiyaga ang paghihintay at paghalo, maging sa pagbabalot ng pakumbo.

Inaabot sina Marlon ng dalawang araw sa pagbabalot ng pakumbo kung maramihan ang gawa nito.

Nakasabit sa pasan-pasaan niyang pingga o mahabang kahoy na karaniwang gawa sa kawayan ang panindang pakumbo ni Marlon. Ang halaga ng pakumbo, P35 ang isa.

Si Chef Zhe Jacinto, natikman na ang tamis ng pakumbo kaya naging kitchen goal niya ang magluto ng spicy prawn pakumbo.

Sa kaniyang recipe, ang pakumbo ang nagbibigay ng tamis sa mga hipon at iba pang isinamang gulay at pampalasa. Panoorin kung papaano naman ito iluluto. – FRJ GMA Integrated News