Nakaagaw ng pansin sa mga tao ang nakita nilang estudyante na nakasakay sa kabayo habang papunta sa isang paaralan sa General Santos City. Ang kaniyang ginawa, pagpapaala na balikan ang mga tradisyunal na paraan ng transportasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabi ni Janjeric Arcibal, mag-aaral ng Bachelor of Science in Agriculture, hindi niya inaasahang makakasakay siya ng kabayo habang nasa kalsada mula sa kanilang agriculture campus papunta sa isa pang campus sa Barangay Lagao.

Kuwento niya, nagtanong ang isang opisyal ng paaralan kung sino sa kanila ang marunong sumakay ng kabayo. Agad siyang nagboluntaryo dahil may karanasan naman siya. Kalaunan, siya ang naatasang sumakay sa kabayong pag-aari ng paaralan na pinangalanang “Arthur.”

Ayon kay Arcibal, layunin ng kaniyang ginawa na balikan at ipakita ang tradisyunal na paraan ng transportasyon na maaari pa ring maging kapaki-pakinabang sa kasalukuyan, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Imbes na dito lang, sinabi ni ma’am na pumunta na lang sa Lagao para mai-promote din ang isyu ng pagtaas ng gas. Parang panawagan na bumalik tayo sa tradisyunal. Kung may paraan na makapasok ka sa eskwelahan, puwede namang magkabayo,” ani Arcibal.

Tiniyak naman ni Arcibal na maayos ang kalagayan ni Arthur sa kabuuan ng kanilang biyahe. Iningatan din daw niya ang kabayo sa pagtakbo dahil batid niyang semento ang dinadaanan nito.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makakuha ng pahayag mula sa opisyal ng paaralan.

Patuloy namang inaalagaan ng paaralan ang kabayo kasama ang ilan pang kasama nitong mga pony.—FRJ GMA Integrated News