Kahit tila hindi na uso ngayon sa kababaihan ang pagsusuot ng stockings, pero sa San Ildefonso, Ilocos Sur, in-demand pa rin ito hindi para isuot kung hindi para gamitin sa pagluluto ng matamis na kakanin na tinatawag na Sinambong.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang pamilya nina Policarpia Frando, o Nanay Polis, na maaga pa lang ay sa mano-mano nang nagbubuhat at nagtatabas ng tubo.

Ginagamitan nila ito ng makina, kung saan halos 2,000 pirasong tubo ang pinipiga para gawing asukal na Muscovado.

Makaraan ang halos tatlong oras na pagpiga ng tubo, isasalang na ang katas nito at pakukuluan sa kawa, habang gagamiting panggatong ang pinagpigaan na isinusuksok kada kalahating minuto.

Sa halip na sa dahon ng saging, ibinabalot na nila ang malagkit na bigas sa stockings, bago ibababad nang  magdamag para lumambot na ito sa umaga.

“Kaya po sa stocking nakabalot para pumasok ‘yung matamis niya, ‘yung asukal,” paliwanag ni Policarpia.

Nilinaw ni Nanay Polis, malinis at bagong stockings ang ginagamit nila sa pagluluto.

“Dati dahon ng niyog, ngayon, stockings na kasi hindi na pwede 'yung dahon ng niyog kasi masyado nang marumi. 'Yung stocking hindi na idodoble, isang gamitan lang po para malinis ang Sinambong,” sabi niya.

Matapos nito, muling pakukuluin ng tatlong oras ang malagkit, para dahan-dahang sisipsipin ng mga butil ang tamis ng tubo.

Umaalsa ang katas ng tubo dahil sa tamis, kaya kailangang alaga sa halo ang Sinambong.

Matapos ang maghapong pagpipiga at pagpapakulo, maaari nang hanguin ang Sinambong.

“Ang ganitong klase ng pamana sa ating kulinarya ay isang bagay na dapat nating isinasalba, itinatangi, pini-preserve natin para meron tayong resibo sa ating susunod na henerasyon na ang mga pagkain na ito ay bahagi ng isang kultura na dumadaloy sa dugo ng bawat Pilipino,” sabi ng food historian na si Professor Jaime Salvador Corpuz. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News