Laking gulat at tila nangamba sa pambayad ang isang tricycle driver nang i-full tank ng gasoline boy ang kaniyang sasakyan sa Laguna. Ang hindi niya alam, may sumagot na sa kaniyang gasolina.
Kuwento ng good Samaritan at YouScooper na si Kape Ko Blak, ipina-full tank niya ang tricycle ni Tatay Frankie na bumibiyaheng Balite hanggang Victoria sa Laguna.
Ayon kay Kape Ko Blak, pauwi na sila mula sa isang bible school event nang tila may bumulong daw sa kaniya na tulungan si Tatay Frankie.
“Nasa unahan namin si tatay, kami ‘yung nasa motor na white na nasa likod niya. Mahirap po kasi bilang Christian ang humindi kapag may pinapagawa sa’yo, doon man lang po, makasunod ako…,” saad niya.
Pero bago ang ginawa niyang sorpresa, nakausap daw niya ang tricycle driver at inilahad ang matinding epekto sa kita nilang tricycle driver ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Malaki raw po ang nawala sa kita niya, dalawang takbo raw po ang nawala dahil sa pagtaas ng gasolina. P66 per liter [pa lang noon], how much more pa po kaya ngayon na P99.70 na?,” sabi ni Kape Ko Blak.
Nang sandaling iyon, P100 lang ang pambayad sa gas ni Tatay Frankie kaya naman napangiti siya nang malaman na may sumagot na sa kaniyang pa-full talk na halos P600.
Dahil sa kaniyang ginawa, maraming netizens ang humanga kay Kape Ko Blak.
– FRJ GMA Integrated News

