Isang high school student sa Calasiao, Pangasinan ang nakagawa ng organic pesticide na mula sa dahon ng neem tree at bao at bunot ng niyog. Ang naturang pestisidyo, mabisa umanong pamuksa sa mga pesteng cecid fly at fall army worm.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing isa sa problema ng mga magsasaka ang mga peste na katulad ng cecid fly na sumisira ng bungang mangga. Habang ang mga tanim na mais naman ang inaatake ng mga fall army worm.

Dito nagkaroon ng inspirasyon ang estudyanteng si Keithlyn Oiga ng Calasiao ng Comprehensive National High School para gumagawa ng organic pesticide.

Ang pestisidyo na gawa sa neem tree, kaya raw puksain ang mga cecid fly, habang mga fall army worm naman ang walang kawala sa pesticide na gawa sa bao at bunot ng niyog.

Ayon kay Oiga, namamatay sa loob ng wala pang isang oras ang mga cecid fly kapag ginamitan ng pesticide na gawa sa neem tree. Mas mabilis naman ang epekto ang pesticide na gawa sa bao at bunot ng niyog dahil wala pang kalahating oras ay namamatay umano ang mga fall army worm.

Bukod sa mabisa umano ang mga nagawa niyang panlaban sa peste, mas ligtas din daw ito sa mga halaman at tao.

“Yung iba pa kasing mga ginagamit (na pesticide) is may chemical po siya. So makaka-affect pa rin po siya sa mga tao at sa mga crops po nila,” ayon kay Oiga.

Magiging malaking tulong daw sa mga magsasaka ang nabuong pesticide ni Oiga dahil bukod sa matipid, kaya rin ng mga magsasaka na sila na mismo ang gumawa nito.

Ayon kay Gerard Suriaga, agriculture scientist, ang mga sangkat sa pesticide ni Oiga ay makukuha rin lang sa paligid. Gaya umano ng bunot ng niyog na itinatapon lang.

Handa naman si Oiga na ituro sa mga magsasaka kung papaano gawin ang kaniyang organic na pestisidyo. – FRJ GMA Integrated News