Itinanghal na Best Supporting Actor sa Sinag Maynila 2026 Film Festival si Yasser Marta para sa kaniyang pagganap sa pelikulang “Desperada.” Ang aktor, tinawag na “lucky charm” ang nobyang si Robb Guinto, na kasama rin niya sa pelikula.
Sa kaniyang post sa social media, kasamang pinasalamatan ni Yasser ang namayapang TV host at star builder na si German Moreno na nakadiskubre sa kaniya.
“Kuya Germs Tay, salamat sa pagdiskubre sa akin. Para sa inyo ang parangal na ‘to, at para sa lahat ng aktor na nangangarap,” ayon kay Yasser sa nakuha niyang unang award bilang artista.
Pinasalamatan din ng aktor ang mga tao sa likod ng produkyon ng pelikula, at ang kaniyang nobya na si Robb, na tinawag niyang “lucky charm” nang magkomento siya sa post ng aktres sa social media nang batiin siya sa kaniyang pagkapanalo.
“To the love of my life @itsyassermarta … seeing you receive a Supporting Actor recognition filled me with so much pride. I’ve seen the work you put in, the long days, the doubts you pushed through, and the passion you carry for your craft. You deserve this moment. I’m always here for you, through every step, every role, every win and setback. I believe in you, and I’m so proud of the person and artist that you are,” saad ni Robb sa post.
“My lucky charm!! I love you,” tugon naman ni Yasser sa comment section.
Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda noong nakaraang linggo, ikinuwento nina Yasser at Robb, na nagsimula silang maging malapit sa isa’t isa nang magkasama sila sa isang pelikula.
Inamin din ni Robb na hindi siya niligawan ni Yasser. – FRJ GMA Integrated News

