Nagmula sa Cebu City ang mananayang pumaldo ng P100,331,631.91 jackpot sa Ultra Lotto 6/58 draw noong March 17, 2026.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing isang senior citizen na nakahula sa mga lumabas na numero sa naturang draw na 29-52-49-55-25-09.

Ayon pa sa PCSO, noong Marso 25 kinubra ng lucky winner ang kaniyang premyo sa main office ng ahensiya sa Mandaluyong.

Naghintay umano ng walong araw ang mananaya bago niya kinubra ang premyo dahil kinailangan daw nitong iproseso ang sarili at pinag-isipan ang susunod na gagawin.

Idinagdag pa na 25 taon na umanong tumataya ng lotto ang mananaya at hindi niya inakala na aabot sa P100 milyon ang kaniyang mapapanalunan.

“Matagal na po akong tumataya sa Lotto kaya hindi ko po inakala na darating din ang ganitong pagkakataon,” saad ng mananaya sa pahayag ng PCSO.

Samantala, wala namang tumama sa dalawang major lotto draw nitong Lunes, March 30, na Megalotto 6/45 at Grand Lotto 6/55.

Ang lumabas na kombinasyon ng mga numero sa Megalotto 6/45 ay 03-27-24-07-43-13, na may premyong P15,000,000.00.

Samantala, P45,000,000.00 naman jackpot prize sa Grand Lotto 6/55, wala rin nakahula sa number combination na 27-34-31-54-23-03.—FRJ GMA News