Mula sa imahe ng kaguluhan at digmaan, unti-unting nagbago ang Basilan. At sa tulong na rin ng mga mamamayan sa lalawigan, nakikilala na rin ngayon ang kanilang lugar sa larangan ng turismo na nakatutulong sa pag-unlad ng kanilang pamumuhay.
Sa bahagi ng “Kubling Yaman” episode ng “The Atom Araullo Specials,” binisita ni Atom ang isang lugar sa Isabela City sa Basilan kung saan matitikman ang ilang street foods na ang iba ay sa Basilan lang umano matitikman.
Gabi nang puntahan ni Atom ang lugar, malayo sa sitwasyon noon kung saan pagsapit ng dilim, pinapayuhan na ang mga tao na huwag nang lalabas dahil sa usapin ng seguridad.
Dating pinagharian ng Abu Sayyaf Group o ASG, ang ilang kanayunan sa Basilan. Umusbong ang grupo noong dekada 90, at maraming taon na naghasik ng kaguluhan tulad ng pambobomba, kidnapping, at pagpaslang.
Dahil sa gulo, libo-libong ASG fighters, sundalo, pulis, at sibilyan ang nasawi. Ang Sampinit Complex na dating kilalang kuta ng Abu Sayyaf Group, unti-unti nang nagbubukas.
Nakapanayam ni Atom si Adzhar Barie, isang dating miyembro ng Abu Sayyaf Group, na edad 16 nang sumali sa grupo.
Sinabi ni Barie na dating pugad ng Abu Sayyaf Group ang Sampinit Complex, kung saan nakaengkuwentro na niya noon ang militar nang maraming beses.
Hunyo ng nakaraang taon nang pormal nang idineklara ng pamahalaan na ASG-free ang isla ng Basilan, bunsod na rin ng sunod-sunod na pagsuko ng mga natitirang miyembro nito.
Taong 2018 pa nang tumiwalag sa ASG si Barie, at nagtatrabaho na ngayon sa munisipyo ng Albarka bilang isang security officer.
Tinanong ni Atom si Barie kung mayroon siyang pagsisisi sa pagsali noon sa ASG.
“Kung doon sa pagsisisi, parang hindi naman ako nagsisisi sa mga ano na yun. Kaso lang, nagbabago talaga ‘yung panahon. Kung mali man ‘yun, naging kasalanan ko ‘yun sa Diyos. Tatanggapin at tatanggapin ko ‘yun,” sabi niya.
Samantala sa Lamitan City, muling nakikilala ang tradisyon na paghahabi ng Tennun, o hinabing tela ng mga Yakan, na minana pa mula sa kanilang mga ninuno.
Ipinagpapatuloy ang tradisyong ito ni Germa Indasan, apo ng namayapang Manlilikha ng Bayan na si Ambalang Ausalin at dalubhasa sa paghahabi ng Tennun. Ang anak niyang si Nurmina Inasan, apat na taong gulang nang matutong maghabi ng Tennun.
Ngayon, tinatayang mahigit 100,000 turista ang bumisita sa Basilan sa nakalipas na dalawang taon.
“We want to erase the mindset ng mga tao na itatak sa kanila before na magulo dito. Gusto namin ipakita na maganda ang Basilan at safe,” sabi ni Shaheena Asama, tourism officer ng Province of Basilan.
“Nakaka-provide po tayo ng trabaho. Just like sa mga bangkero natin, yun sa mga tour guides natin, yung mga nagbebenta ng ating mga delicacies, yung weave natin, tulong na rin po yun sa kanila for their income everyday,” sabi pa niya.
Ang mga bumibisita sa Basilan, sinasabihan ng mga lokal na huwag palampasin na hindi mapuntahan ang Malamawi Island, na siyang ginawa ni Atom, at hindi siya nagsisisi. Panoorin sa video ang kagandahan ng lugar. – FRJ GMA Integrated News
