Batid ng Global Fashion Icon na si Heart Evangelista na puwedeng bigyan ng ibang kulay ng ibang tao ang ginagawa niyang pagtulong. Pero para sa aktres, ang mahalaga ay ang “puntos” na makukuha niya sa langit.

Inihayag ito ni Heart nang maging bisita siya sa “Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, at mapag-usapan ang pagtulong na ginawa niya sa komedyanteng si Ate Gay na nakikipaglaban sa sakit na cancer.

Ayon kay Heart, hindi siya ang unang nakausap ni Ate Gay kung hindi ang kaniyang assistant.

"After that, kinausap niya 'ko pero 'di niya alam na ako 'yon," ani Heart. "For me, it's sad but I've not given so much thought into it, but there's always gonna be color in whatever we do as public people."

"My points in heaven are far more important," dagdag ni Heart. "One day, this can be a backtrack of how I was at a specific time. Life is too short, mas importante sa 'kin 'yung points ko sa heaven."

Nagpapasalamat si Heart dahil hindi niya kailangang magbigay ng suportang pinansiyal sa iba pang miyembro ng kaniyang pamilya. Kaya naman ang sarili lang niya ang pangunahin niyang responsibilidad, at kaya niyang tumulong sa iba.

Aminado rin si Heart na magkahalo ang naramdaman niya nang isapubliko ni Ate Gay ang ginawa niya ritong pagtulong.

"I felt uncomfortable na sinabi niya, pero salamat din kasi iba rin pala marinig na nagpapasalamat sa 'yo 'yung tao. Kasi most of the time, people don't really know it's me," ani Heart.

"I work hard not just for me, but for a purpose, and for me to write a story that would be so great to read one day when I'm no longer here," dagdag niya.

September 2025 nang ibahagi ni Ate Gay sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," na mayroon siyang Stage 4 cancer. Matapos niya, inihayag ng komedyante na marami ang nagpaabot ng tulong sa kaniya upang makapagpagamot at labanan ang kaniyang sakit.— Nika Roque/FRJ GMA News