Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na pinangalanan na ng nagpakilalang bagman umano ni Bise Presidente Sara Duterte na si Ramil Madriga, ang ilan sa mga kinontratang hitman.
“It was an option from the very start. In fact, may mga na-name na siya na contracted hitman. I think it will come out in the future testimonies, lalabas pa,” sabi ni Remulla sa On Record interview sa Unang Hirit nitong Huwebes.
Sa kaniyang supplemental affidavit na binasa sa pagdinig ng House justice committee kaugnay ng impeachment complaint laban kay VP Sara, inakusahan ni Madriaga ang dating pangulo na si Rodrigo Duterte, na umano’y nagbabalak ng asasinasyon—o kung hindi man ay kudeta—laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung hindi ito bababa sa puwesto pagsapit ng 2025.
Itinanggi na ng kampo ni VP Sara ang mga alegasyon ni Madriaga, at tinawag ang mga pahayag nito na “purong kathang-isip” at walang ebidensya.
Nitong Miyerkules, sinabi ng Malacañang na nasa National Bureau of Investigation (NBI) na ang pagpapasya kung iimbestigahan ang mga pahayag ni Madriaga.
Ayon kay Remulla, palaging may banta laban kay Marcos.
“There is always a credible threat against the President. It will never disappear, whether it comes from that camp or any other camp. The President is the most protected person in the Philippines, precisely because of the nature of his job,” ayon sa kalihim.
Minaliit naman ni Remulla ang mga pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, anak ni dating pangulo Duterte at kapatid ng VP Sara, laban kay Marcos.
“I don't think so. Well, some are offended. Pero sup*t naman talaga. Puro dakdak, dakdak nang dakdak,” ani Remulla.
“If you want to lead the country, you have to be more statesmanlike. You have to talk about what's the future of the country. Pero kung gano'n ang salita mo, tapos puro hirit ka lang, eh kumbaga noong college tayo, tawag mo doon sup*t talaga,” dagdag niya.
Sa paglulunsad ng Reform Alliance for Good Governance and Accountability (RAGE) Coalition noong Linggo, binatikos at inakusahan ni Baste ang administrasyong Marcos na sangkot sa korapsyon.
“Isang ulo lang naman ang kailangan namin. Ang ulo ni Bongbong Marcos,” giit ni Baste.— Joviland Rita/FRJ GMA News
